Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PATULOY NA MAGBANTAY!

Kakapusan ng Pagkain sa Mundo, Pinalala ng Digmaan sa Ukraine

Kakapusan ng Pagkain sa Mundo, Pinalala ng Digmaan sa Ukraine

 Noong Mayo 19, 2022, ganito ang natanggap na report ng United Nations Security Council mula sa mahigit 75 matataas na opisyal: “May nagbabantang taggutom sa iba’t ibang bahagi ng mundo, dahil ang kakapusan ng pagkain na pinalala ng COVID-19 pandemic at climate change ay lalo pang pinalala ng digmaan sa Ukraine.” Pagkatapos nito, idineklara ng The Economist na “dahil sa gera, darami pa ang nagugutom sa mundong ito, na punong-puno na ng problema.” Inihula sa Bibliya na magkakaroon ng mga taggutom sa panahon natin, pero nagbibigay rin ito ng tulong para maharap ang mga ito.

Inihula sa Bibliya na magkakaroon ng mga taggutom

  •    Inihula ni Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian, at magkakaroon ng taggutom.”Mateo 24:7.

  •    May binanggit sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis na apat na makasagisag na mangangabayo. Ang isa sa mga mangangabayong ito ay sumasagisag sa digmaan. Sinusundan siya ng isa pang mangangabayo, na sumasagisag naman sa taggutom, isang panahon kung kailan kailangang takalin ang pagkain at ibenta sa napakataas na presyo. “Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. May narinig akong parang isang tinig . . . na nagsabi, ‘Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga.’”—Pahayag (o, Apocalipsis) 6:5, 6, Magandang Balita Biblia.

 Ang mga taggutom na inihula sa Bibliya ay natutupad na ngayon, sa panahon na tinatawag nitong “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Para sa higit pang impormasyon tungkol sa “mga huling araw” at sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis, panoorin ang video na Nagbago ang Mundo Mula Noong 1914 at basahin ang artikulong “Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Paano makakatulong ang Bibliya?

  •    May mga praktikal na payo sa Bibliya na makakatulong sa atin na maharap ang mga problema, gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kakapusan pa nga sa pagkain. Basahin ang artikulong “Paano Ka Makakapag-adjust Kapag Nabawasan ang Iyong Kita?

  •    Nagbibigay rin ng pag-asa ang Bibliya na bubuti ang kalagayan sa mundo. Nangangako ito na darating ang panahon na “magkakaroon ng saganang butil sa lupa” at wala nang magugutom. (Awit 72:16) Para sa higit pang impormasyon tungkol sa magandang kinabukasan na binabanggit sa Bibliya at kung bakit ka makakapagtiwala rito, basahin ang artikulong “Makakaasa Ka sa Isang Magandang Kinabukasan.”