ELFRIEDE URBAN | KUWENTO NG BUHAY
Punô ng Pagpapala ang Buhay Ko Bilang Misyonera
Hindi maganda ang mga nangyari nang unang mga taon ng buhay ko. Ipinanganak ako sa Czechoslovakia noong Disyembre 11, 1939. Mga tatlong buwan pa lang noon nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Dalawang linggo pagkapanganak sa akin, namatay si Nanay dahil sa mga komplikasyon. Bago noon, lumipat si Tatay sa Germany para magtrabaho. Mabuti na lang, inalagaan ako ng mga magulang ng nanay ko kahit may tatlo pa silang anak na babae na pinapalaki.
Natapos ang digmaan noong 1945, pero napakahirap pa rin ng buhay namin. Pinaalis kami sa Czechoslovakia papuntang Germany kasi mga German kami. Wasak ang mga lunsod doon at mahirap ang buhay ng mga tao. Kung minsan, magdamag na pumipila ang mga tiyahin ko para lang makakuha ng kaunting pagkain. Kung minsan naman, kumukuha kami ng mga blackberry at mushroom sa gubat, kasi puwede naming ipagpalit ang mga iyon sa tinapay. Napakakaunti ng mga rasyong pagkain, kaya nawawala ang mga alagang hayop sa bahay—ninanakaw iyon ng mga tao para kainin. Madalas, natutulog kaming gutom.
Nalaman ng Pamilya Namin ang Katotohanan
Katoliko ang lolo’t lola ko, pero wala kaming Bibliya. Gustong bumili ng lolo ko ng Bibliya. Pero ayaw naman siyang bentahan ng pari kasi dapat daw, nakikinig lang sa Misa ang mga miyembro ng simbahan. Hindi tuloy nasagot ang maraming tanong ni Lolo tungkol sa Diyos.
Pitong taóng gulang ako noon nang may kumatok na dalawang Saksi ni Jehova. Gamit ang Bibliya, sinagot nila ang mga tanong ni Lolo tungkol sa Trinidad, impiyerno, at kalagayan ng mga patay. Nagustuhan ni Lolo ang malinaw na sagot ng Bibliya. At kumbinsido siya na nakita na niya ang katotohanan. Kaya nagpa-Bible study kaming lahat sa isang mag-asawang Saksi.
Alam Ko Na ang Goal Ko sa Buhay
Mula pagkabata, mahal ko na ang Diyos na Jehova. Tuwang-tuwa akong magbasa ng tungkol sa mga misyonero na naglilingkod sa malalayong lugar. Iniisip ko, ‘Paano sila namumuhay? Ano kaya ang pakiramdam nang mangangaral ka sa mga taong hindi pa nakakarinig sa pangalan ni Jehova?’
Noong 12 na ako, desidido na akong maging misyonera. Kaya para maabot ko iyon, sinikap kong maging masigasig sa pangangaral ng mabuting balita. Noong Disyembre 12, 1954, nagpabautismo ako. At pagkatapos, nag-pioneer ako. Alam kong malapit ko nang maabot ang goal ko!
Alam kong kailangan kong matuto ng English para makapag-aral sa Gilead, kaya sinikap kong aralin iyon. Naisip kong pagpapraktisan ko ang mga sundalong Amerikano na nasa Germany noon. Minsan, sinabi ko sa isang sundalo, “Kristo ako.” Tiningnan niya ako at mabait na sinabi, “Siguro ang ibig mong sabihin, ‘Kristiyano ako.’” Akala ko noon, ang husay ko nang mag-English!
Noong mga 20 ako, lumipat ako sa England. Nagtatrabaho ako sa umaga bilang babysitter sa isang pamilyang Saksi. Tuwing hapon naman, sumasama akong magbahay-bahay, kaya napapraktis ko nang husto ang English. Makalipas ang isang taon, ang husay ko nang mag-English.
Bumalik ako sa Germany, at noong Oktubre 1966, naatasan ako na maging special pioneer sa Mechernich. Pero ang pakikitungo ng mga tao doon ay sinlamig ng klima sa lugar na iyon. Hindi man lang nila kami pinapapasok, kahit ginaw na ginaw na kami sa labas. Kaya madalas akong nakikiusap kay Jehova, “Kung papayagan n’yo po akong maging misyonera, please po, ipadala n’yo ako sa mainit na lugar.”
Naabot Ko Na ang Goal Ko
Makalipas lang ang ilang buwan, ibinigay ni Jehova ang pangarap ko! Nakatanggap ako ng imbitasyon na mag-aral sa ika-44 na klase ng Gilead School para sa mga misyonero. At nag-graduate ako noong Setyembre 10, 1967. Hulaan ninyo kung saan ako na-assign! Sa Nicaragua, isang magandang tropikal na bansa sa Central America. May tatlo pang misyonera na kasabayan kong naatasan doon. Pagdating namin sa Nicaragua, mainit kaming tinanggap ng mga misyonero at misyonerang naabutan namin doon. Naalala ko noon si apostol Pablo na ‘nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang loob’ nang salubungin siya ng mga kapatid, kasi ganoon din ang nangyari sa akin.—Gawa 28:15.
Inatasan ako sa tahimik na bayan ng León. Gustong-gusto kong matuto agad ng Spanish. Pero kahit 11 oras akong nag-aaral araw-araw sa loob ng dalawang buwan, nahirapan pa rin talaga ako.
Minsan, inalok ako ng may-bahay ng fresco, isang fruit drink sa Nicaragua. Akala ko, ang nasabi ko “filtered water” lang ang iniinom ko. Pero nagtataka ang babae. Nalaman ko na lang makalipas ang ilang araw na ang nasabi ko pala, “holy water” lang ang iniinom ko! Mabuti na lang at natuto rin akong mag-Spanish.
Kadalasan nang buong pamilya ang bina-Bible study ko. Dahil safe naman sa León, gustong-gusto kong mag-Bible study sa gabi. Kung minsan, inaabot ako nang 10:00 ng gabi. Alam ko ang pangalan ng halos lahat ng tagaroon. Kapag umuuwi ako, binabati ko sila at nakikipagkuwentuhan sandali. Palakaibigan ang mga tao roon, at gustong-gusto nilang umupo sa rocking chair sa labas ng bahay nila kasi malamig ang simoy ng hangin sa gabi.
Marami rin akong natulungan sa León na malaman ang katotohanan. Isa na sa kanila si Nubia. Walong lalaki ang anak niya. Nakapag-Bible study kami hanggang noong 1976 kasi na-assign na ako sa Managua. Sa loob ng 18 taon, wala kaming komunikasyon ni Nubia at ng mga anak niya hanggang sa bumalik ako sa León para dumalo ng kombensiyon. Noong intermisyon, pinalibutan ako ng mga kabataang lalaki—mga anak na pala iyon ni Nubia! Tuwang-tuwa akong malaman na napalaki ni Nubia ang mga anak niya sa katotohanan.
Pagmimisyonero sa Napakahirap na Panahon
Noong huling mga taon ng 1970’s, biglang nagkaroon ng pagbabago sa politika kaya naging magulo sa Nicaragua. Sinikap pa rin naming patuloy na mangaral. Sa nakaatas na teritoryo sa akin—mula Masaya papuntang timog ng Managua—madalas, may maiingay na protesta at riot. Minsan isang gabi, habang nagpupulong kami sa Kingdom Hall, kinailangan naming dumapa. Bigla kasing nagbarilan ang mga miyembro ng Sandinista at mga sundalo ng gobyerno. a
Isang araw naman, habang nasa ministeryo ako, may nakita akong isang Sandinista na nakatakip ang mukha at binabaril ang isang sundalo. Tumakbo ako, pero wala akong mapagtaguan kasi parami nang parami ang Sandinista na dumadating. Mayamaya, may mga helikopter na ng gobyerno na nagpaulan ng bala. Pagkatapos, biglang binuksan ng isang lalaki ang pinto ng bahay nila at hinatak ako papasok. Damang-dama ko na iniligtas ako ni Jehova!
Na-deport!
Naglingkod ako sa Masaya hanggang noong Marso 20, 1982. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Anim kaming misyonero na nandoon at kakain na sana kami ng agahan. Pagkatapos, may nakita kaming grupo ng mga sundalong Sandinista na may mga machine gun. Nandoon na sila sa likod ng missionary home. Bigla silang pumasok sa dining room, at inutusan kami ng isa sa kanila: “Bibigyan namin kayo ng isang oras! Mag-impake na kayo ng tig-iisang suitcase at sumama kayo sa amin.”
Dinala kami ng mga sundalo sa isang farm, at ilang oras din kaming nandoon. Pagkatapos, isinama nila ang apat sa amin, isinakay sa isang maliit na bus papuntang border ng Costa Rica, at pinaalis na ng bansa. Lahat-lahat, 21 misyonero ang na-deport mula sa Nicaragua.
Inasikaso kami ng mga kapatid sa Costa Rica. Nang sumunod na araw, nakarating kami sa sangay sa San José. Pero hindi kami nagtagal doon. Mga 10 araw lang, ipinadala ang walo sa amin sa bagong atas namin sa Honduras.
Paglilingkod sa Honduras
Na-assign ako sa Tegucigalpa. Iisa lang ang kongregasyon doon. Pero makalipas ang 33 taon na paglilingkod ko doon, naging walo na ang kongregasyon. Kaya lang, habang lumilipas ang mga taon, lumala ang krimen sa Tegucigalpa. Marami nang magnanakaw, at ilang beses na akong na-hold-up! Marami ring miyembro ng gang na nanghihingi ng pera, o “war tax.” Sinasabi ko sa kanila, “Meron ako ritong mas mahalaga kaysa sa pera,” at aabutan ko sila ng tract o magasin. Pagkatapos, pinapaalis na lang nila ako.
Mababait at mapagpayapa ang karamihan sa mga taga-Tegucigalpa. At may ilan akong natulungan sa kanila na malaman ang katotohanan. Isa na riyan si Betty. Masulong sana siyang estudyante ng Bibliya pero isang araw, sinabi niyang aanib na siya sa isang simbahan. Lungkot na lungkot ako noon. Pero makalipas ang dalawang taon, iniwan ni Betty ang simbahan, at nagpa-Bible study ulit sa akin. Nami-miss daw kasi ni Betty ang tunay na pag-ibig na naramdaman niya sa kongregasyon. (Juan 13:34, 35) Sabi niya: “Masaya ninyong tinatanggap ang lahat sa mga pulong ninyo, mayaman man sila o mahirap. Ibang-iba kayo.” Bandang huli, nagpabautismo si Betty.
Noong 2014, isinara ang missionary home sa Tegucigalpa, kaya na-reassign ako sa Panama. Nakatira ako ngayon sa isang missionary home kasama ng apat na matatagal nang misyonero.
Talagang Masaya Kapag Naabót ang Espirituwal na Mga Tunguhin
Mga 55 taon na akong misyonera. Pero nitong bandang huli, may mga bagay na hindi ko na nagagawa kasi humihina na ang kalusugan ko. Tinutulungan ako ng Diyos na Jehova na patuloy na turuan ang iba na matuto tungkol sa kaniya.
May iba pa bang bagay na puwede ko sanang abutin? Meron naman. Pero hindi ko matitikman ang mga pagpapala na meron ako ngayon. Mahigit 50 ang mga anak ko sa espirituwal. Natulungan ko silang matuto ng katotohanan. Napakarami ko ring mga kaibigan. At bukod sa “malaking pamilya” na ito, mahal na mahal ako at sinusuportahan ni Auntie Steffi, na nakatira sa Germany.
Wala akong asawa, pero hindi ko naramdamang nag-iisa ako. Nandiyan palagi ang Diyos na Jehova. Napakarami ko ring mabubuting kaibigan gaya ni Marguerite Foster. Naging partner ko siya sa pagmimisyonero sa loob ng 17 taon. Napakarami naming masasayang karanasan. At hanggang ngayon, close pa rin kami.—Kawikaan 18:24.
Napakasaya ko. Wala na akong mahihiling pa kasi alam kong ginamit ko ang buhay ko sa pinakamagandang paraan. Pinaglingkuran ko si Jehova sa abot ng makakaya ko. Natupad ko ang pangarap ko, at napakarami kong magagandang karanasan. Talagang napakasaya ko! At hinihintay ko ang panahong mapaglilingkuran ko ang Diyos na Jehova nang walang hanggan.
a Naging prominente sa Nicaragua noong huling mga taon ng 1970s ang Sandinista National Liberation Front. Bandang huli, napatalsik nila ang dinastiya na namuno nang mahigit 40 taon.