Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Isang Maliit na Kahon na Mapagkukunan ng Espirituwal na Pagkain

Isang Maliit na Kahon na Mapagkukunan ng Espirituwal na Pagkain

SETYEMBRE 1, 2020

 Kumpara noon, mas marami nang natatanggap na espirituwal na pagkain ang mga Saksi ni Jehova sa digital format. Pero sa buong mundo, marami pa rin tayong kapatid na hindi kayang magkaroon ng Internet access. May iba naman na nakatira sa lugar na madalas mawalan ng kuryente, mabagal ang Internet, o wala talagang Internet.

 Pero ngayon, marami nang kapatid ang nakakapag-download ng mga publikasyon sa digital format kahit walang Internet. Paano?

 Ang JW Box ay isang maliit na device na ibinibigay sa mga kongregasyon na limitado ang Internet. Mayroon itong router na binili ng organisasyon, software na ginawa ng Computer Department sa Bethel, at mga publikasyon at video na available sa jw.org. Mga $75 U.S. ang isang JW box.

 Sa Kingdom Hall, iko-connect ng mga kapatid ang gadyet nila sa Wi-Fi ng JW Box para ma-download ang mga publikasyon at video. Puwedeng maka-connect dito kahit ang mga lumang gadyet. Paano naman maa-update ang JW Box kung walang Internet ang kongregasyon? Regular na magpapadala ang sangay sa mga kongregasyon ng USB flash drive, na nagkakahalaga ng mga $4 U.S. Naglalaman ito ng mga bagong publikasyon o video mula sa jw.org. Isasaksak ito sa JW Box para makapag-download ang mga kapatid.

 Paano nakatulong ang JW Box sa mga kapatid? Ikinuwento ni Nathan Adruandra, isang tatay na nakatira sa Democratic Republic of Congo: “Ilang beses ko nang sinubukang i-download ang mga drama na ‘O Jehova, . . . sa Iyo Ako Naglalagak ng Aking Tiwala’ at Alalahanin ang Asawa ni Lot. Pero ayaw talaga, kaya sumuko na ako. Ngayon, puwede ko nang i-download ang mga video na ito sa cellphone ko. Malaking tulong ito sa amin bilang mga magulang para maturuan ang mga anak namin.”

 Isang brother na tumutulong sa pagse-set up ng JW Box sa mga kongregasyon sa Nigeria ang nagsabi: “Para sa mga kapatid, isang espesyal na regalo mula kay Jehova ang JW Box. Tuwang-tuwa sila na napakadali na nilang mada-download ang mga publikasyon at video mula sa Toolbox sa Pagtuturo.”

 Mahigit na sa 1,700 JW Box ang naipadala sa mga kapatid sa Africa, Oceania, at South America. May mga kaayusan na rin para ipadala ito sa mas marami pang kongregasyon. Saan kinukuha ang pondo para sa kaayusang ito? Sa mga donasyon sa worldwide work, na ang karamihan ay ipinapadala gamit ang donate.mr1310.com. Maraming salamat sa inyong pagiging bukas-palad.