SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Programa ng Kombensiyon na ‘Naririnig at Nakikita’
HULYO 1, 2024
Mahigit 130 taon nang nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng mga kombensiyon taon-taon. Kasama sa mga programang ito ang mahigit 40 pahayag pati na ang mga musika, interbyu, at video. Para makinabang sa programa at mapakilos ang mga dumadalo, dapat na malinaw nila itong ‘naririnig at nakikita.’ (Luc. 2:20) Paano nakakatulong ang mga donasyon mo para masiguradong makikinabang ang lahat sa mga kombensiyong ito, saanman sila nakatira?
Mga Audio/Video System—Ibinabagay sa Bawat Venue ng Kombensiyon
Maraming istadyum at arena sa mga bansa ngayon ang mayroon nang audio/video system. Pero bakit madalas na nag-i-install pa tayo ng sarili nating equipment kapag nirerentahan natin ang mga iyon para sa kombensiyon? Ganito ang sinabi ni David, nagtatrabaho sa World Headquarters Broadcasting Department: “Sa ilang pasilidad na nirerentahan natin, puwedeng makapakinig nang mabuti ang mga tao sa loob ng mahigit anim na oras sa mga tagapagsalita sa programa. Halimbawa, sa mga venue na ginagamit sa sports, may sound system naman sila pero para lang sa maiikling patalastas at musika. May mga video screen din sila na nagdidispley ng mga score ng laro, advertisement, at replay. Pero mahahabang video ang gusto nating ipapanood sa mga dumadalo. Gusto rin nating marinig nila nang malinaw at maintindihan ang sinasabi ng mga tagapagsalita.”
Iba’t iba ang kalagayan ng venue ng bawat kombensiyon. Kaya ibinabagay dito ang audio/video system na ilalagay. Kapag nakapili na ng mga venue, magpapasiya ang Broadcasting Department sa mga sangay natin kung saan ilalagay ang mga upuan. Nakadepende ito sa dami ng dadalo at sa laki ng pasilidad. Pagkatapos, pag-aaralan ng mga kapatid kung saan ipupuwesto ang mga speaker at video screen. Pag-aaralan din nila ang mga koneksiyon nito, at ililista ang lahat ng equipment na kailangan para masiguro nila na makikita at maririnig ng lahat ang programa.
Mas komplikado ang audio/video system kapag maraming wika sa iisang kombensiyon. Kapag ii-interpret ang programa sa ibang wika, dapat makita at marinig ng mga interpreter ang programa. Pagkatapos, kailangang i-transmit ang sinasabi ng bawat interpreter sa radio channel ng wika niya. Buti na lang, may special media player tayo. Dahil dito, napapanood ng lahat ng dumalo ang isang video at sabay-sabay itong napapakinggan kahit sa walong magkakaibang wika. “Napakakomplikado ng system na ito,” ang sabi ni David, “at kailangang sanaying mabuti ang mga volunteer na mag-o-operate nito.”
Maraming tanggapang pansangay ang may mga audio/video equipment na nagagamit taon-taon. Sa ganitong kalagayan, inaayos ng mga kapatid ang bawat piyesa ng equipment para madala mula sa isang kombensiyon papunta sa susunod na kombensiyon. Halimbawa, sa tanggapang pansangay ng United States, gumagastos tayo nang mahigit $200,000 a taon-taon para sa pagta-transport ng mga equipment na gagamitin sa kombensiyon. Pero nakakatipid pa rin tayo kasi hindi na natin kailangang bumili at magmantini ng karagdagang mga equipment. Sinabi ni Steven, na tumutulong sa pangangasiwa ng audio/video sa isang kombensiyon sa Canada: “Ginagawa ng audio/video team namin ang buong makakaya nila para masiguro na ang bawat nut, bolt, cord, at iba pang piyesa ay kumpleto at maayos. Dapat na maganda rin ang pagkakaayos ng mga ito para hindi ito masira sa biyahe, at magamit ng susunod na kombensiyon.”
Pagbili at Pagmamantini ng Equipment
Napakamahal ng renta ng mga audio/video equipment, at madalas na hindi pa ganoon kaganda ang quality nito. Dahil diyan, karaniwan nang kailangan nating bumili ng mga equipment. Sa ngayon, nasa mga $24,000 na ang isang indoor LED video wall na may taas na tatlong metro at lapad na limang metro. Nagkakahalaga naman ng mga $20 ang isang 15 metrong microphone cable. Kaya nakikipagtulungan ang Broadcasting Department sa Purchasing Department para ‘kuwentahin ang gastusin’ bago bumili ng anumang equipment. (Luc. 14:28) Halimbawa, pinag-iisipan nila, gaano karaming tao ang makikinabang sa equipment na ito? Mas makakabuti ba kung bibili tayo ng bagong equipment? May magandang lugar ba na mapagtataguan nito? May mga tool ba tayong magagamit sa pagmamantini nito? At may mga volunteer bang sinanay para dito?
Para tumagal ang mga audio/video equipment at magamit nang tama ang donasyon ng mga kapatid, regular kaming nagsasagawa ng electronic at mechanical repair. Gumagamit din tayo ng matitibay na lalagyan para maingatan ang mga equipment at hindi ito masira kapag ibinabiyahe. Nire-repair din natin ang mga lalagyan kapag nasisira ito.
Isang Magandang Patotoo at Malinaw na Programa
Hangang-hanga ang mga di-Saksi sa kalidad ng audio/video sa mga kombensiyon natin. Halimbawa, sa isang kombensiyon natin, isang empleado ng isa sa pinakamalaking kompanya ng radyo at TV sa buong mundo ang humanga sa kalidad ng production ng kombensiyon natin. “Humanga siya nang malaman niyang puro boluntaryo at hindi naman professional ang mga miyembro ng team namin,” ang sabi ni Jonathan, na tumulong sa pagse-set up at pag-o-operate ng audio/video equipment sa mga kombensiyon. “Sinabi niya na kailangan ng kompanya nila ng limang araw para ma-install ang gayong equipment. Pero tayo, ginawa lang natin ng isang araw at kalahati.” Sa isang kombensiyon naman, sinabi ng facility manager, “Maraming professional sa music at video ang gumamit na ng facility namin, pero ngayon lang ako nakakita ng mga taong ganito kahusay magtrabaho!”
Paano ka nakinabang sa audio/video system ng kombensiyon natin? Baka pareho kayo ng naramdaman ni David, na taga-England. Sinabi niya: “Sa ngayon, 88 na ako. At sa buong buhay ko, lagi akong dumadalo sa mga kombensiyon. Pero masasabi ko na mas madali nang magpokus ngayon sa programa. Salamat sa magagandang video, hindi ako nainip at ang bilis matapos ng kombensiyon. Talagang naintindihan ko ang buong programa.” Sinabi naman ni Michael, na taga-Nigeria: “Hindi na nahihirapan ang mga kapatid sa pakikinig sa speaker o sa panonood ng mga video. Dahil dito, mas nakakapagpokus sila sa buong programa.”
Kapag dumalo ka sa taóng ito sa ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon at Espesyal na Kombensiyon, pag-isipan kung ano ang mga ginawa para marinig at makita mo ang buong programa. Talagang nagpapasalamat kami sa mga donasyon mo, pati na sa mga nag-donate sa pamamagitan ng donate.mr1310.com. Dahil sa mga donasyon ninyo, naging posible ang lahat ng ito.
a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.