Watchtower Farms—Limang Dekada ng Pag-aani
Mga 145 kilometro sa hilaga ng New York City, malapit sa nayon ng Wallkill, New York, may isang grupo ng mga farm na nagkaroon ng mahalagang bahagi sa gawaing pagtuturo ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang una sa Watchtower Farms, gaya ng tawag ngayon sa mga pasilidad na ito, ay nabili 50 taon na ang nakararaan, noong Enero 2, 1963.
Si David Walker, isa sa mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa Wallkill mula pa noong magsimula ito, ay nagsabi kung bakit binili ang unang farm: “Dumarami na ang staff ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at kailangan namin silang pakainin sa pinakamatipid na paraan. Ang ibang farm na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa hilagang bahagi ng New York ay mga anim hanggang walong oras ang layo mula sa Brooklyn. Pero ang Wallkill ay mga dalawang oras lang. Tamang-tama ang lugar na ito para sa mga pangangailangan namin.” Nang maglaon, ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang farm na ito para magtanim ng mga prutas at gulay, mag-alaga ng manok, baboy, at baka, at gumawa ng mga produktong galing sa gatas. Nang maglaon, nadagdagan pa ang mga farm.
Sa loob ng isang dekada, nagkaroon ng naiibang pagbabago sa Wallkill dahil sa pagdami ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Bukod sa produksiyon ng literal na pananim na puwedeng anihin, sinimulan din ang produksiyon ng literatura na makatutulong sa makasagisag na gawaing pag-aani na sinabi ni Jesus. (Mateo 9:37; Lucas 10:2; Juan 4:35, 36) Tingnan natin ang ilang gawaing naisagawa sa Wallkill.
Pag-iimprenta: Noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang printery sa Brooklyn, New York, ang nag-iimprenta ng karamihan sa aming salig-Bibliyang literatura. Pero nang lumaki ang pangangailangan sa literatura, hindi na ito masapatan ng printery sa Brooklyn. Kaya nagtayo ang mga Saksi ni Jehova ng isa pang printery sa Wallkill na natapos noong 1973. Mula noon, ang mga gusaling ginagamit sa pag-iimprenta ay ilang beses na pinalaki; ang pinakahuli ay noong 2004.
Computer Technology: Noong 1979, isang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Wallkill ang nagsimulang gumawa ng isang computerized system, na tinatawag ngayong Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS). Sa tulong nito, nailalathala ang mga literatura sa Bibliya sa mahigit 600 wika.
Edukasyon: Noong 1988, ang Watchtower Bible School of Gilead na nasa Brooklyn ay inilipat sa Wallkill, at nagsimula ang klase noong Oktubre 17. Nang maglaon, inilipat ito sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, noong Abril 1995.
Tulad ng ibang farm, nagbago ang pamamaraan at operasyon ng Watchtower Farms sa nakalipas na limang dekada. Pero sinisikap pa rin nitong maglaan ng pagkaing may mainam na kalidad para sa mga Saksi ni Jehova na naglilingkod ngayon sa mga pasilidad ng Bethel sa New York.
Kasalukuyang nagtatayo ang mga Saksi ni Jehova ng bagong opisina, tirahan, at iba pang pasilidad sa Wallkill. Nire-renovate din ang mga dating gusali. Ang lahat ng gawaing ito ay tutulong sa Watchtower Farms na patuloy na mailaan ang espirituwal na pangangailangan ng dumaraming Saksi ni Jehova sa bahaging ito ng daigdig.
Si David Walker, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Sa nakalipas na 50 taon, talagang masayang-masaya akong makita kung paano unti-unting lumawak ang mga pasilidad sa Wallkill at nakatulong sa pagsisikap nating turuan ng Bibliya ang mga tao sa buong daigdig!”