Report ng 2014 Taunang Miting
100 Taon ng Kaharian!
Noong Oktubre 4, 2014, mga 19,000 katao ang dumalo sa ika-130 taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Ang programa ay ginanap sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Jersey City, New Jersey, U.S.A., at naka-video sa iba pang mga lugar.
Si Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng miting. Sa kaniyang pambungad na pahayag, idiniin niya na ang miting na iyon ay makasaysayan dahil iyon ang pag-alaala sa ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Mesiyanikong Kaharian.
Nirepaso ni Brother Sanderson ang tatlong mahahalagang nagawa ng Kaharian sa nakalipas na 100 taon:
Pandaigdig na pangangaral. Sa tulong ni Jehova, walang-pagod na ibinahagi ng kaniyang bayan ang mabuting balita ng Kaharian. Ang bilang ng mga mamamahayag ay dumami mula sa iilang libo noong 1914 hanggang sa mahigit walong milyon nitong 2014 taon ng paglilingkod. Patuloy tayo sa masigasig na pangangaral hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain.
Proteksiyon sa mga sakop ng Kaharian bilang isang grupo. Galít na galít sa atin ang mga awtoridad ng relihiyon at politika, at gusto pa nga nilang lipulin ang lahat ng mga Saksi ni Jehova. Pero pinoprotektahan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba bilang isang grupo. Ang maraming kasong naipanalo, kasama na ang mga kasong isinampa sa Korte Suprema ng Estados Unidos at sa European Court of Human Rights, ay patunay na patuloy tayong binabantayan ni Jehova hanggang sa araw na ito.
Pagkakaisa ng mga taong iba’t iba ang kalagayan sa buhay. Dahil sa Kaharian ng Diyos, nagkakaisa ang mga taong iba’t iba ang pinagmulan, nasyonalidad, at wika. Ito ang nakatulong sa kanila para makayanan ang maraming hamon at mabuo ang isang nagkakaisang grupo ng mga mananamba. “Isa itong himala na tanging ang Diyos na Jehova lang ang makagagawa,” ang sabi ni Brother Sanderson. Malimit niyang banggitin ang karangalang nadarama ng lahat ng naroroon sa makasaysayang taunang miting na iyon.
Serye ng Maging Kaibigan ni Jehova.
Ang seryeng ito ng video para sa mga bata, na mahigit dalawang taon na nating napapanood, ang sumunod na paksa sa programa ng taunang miting. Ipinapanoód muna ni Brother Sanderson ang isang video ng mga ininterbyung mga bata mula sa iba’t ibang lugar sa daigdig. Naantig ang mga nanonood sa prangka at taos-pusong pasasalamat ng mga bata sa mga natututuhan nila sa mga videong iyon.
Pagkatapos, ipinalabas naman ang isang bagong video sa seryeng iyon. Pinamagatan itong “Tutulungan Ka ni Jehova na Maging Matapang.” Sa 12-minutong video na ito, binigyang-buhay ang kuwento sa Bibliya tungkol sa batang babaeng Israelita na buong-tapang na nakipag-usap sa asawa ni Naaman tungkol kay Jehova. (2 Hari 5:1-14) Ipinost ang videong ito sa jw.org noong Lunes, Oktubre 6, 2014, at available ito sa mahigit 20 wika.
JW Language.
Ipinatalastas ni Brother Sanderson ang bagong application na ito para sa mga gadyet, na makatutulong sa mga Saksi ni Jehova na gustong matuto ng ibang wika para mapalawak ang kanilang ministeryo. Makikita sa application na ito ang mahigit 4,000 salita at parirala sa 18 wika. Plano pang magdagdag ng mga salita at parirala, mga presentasyon para sa paglilingkod sa larangan, at iba pa.
JW Broadcasting.
Nanabik ang mga tagapakinig nang malaman nila ang tungkol sa bagong istasyon ng TV sa Internet na inisponsor ng mga Saksi ni Jehova, at inilunsad muna sa wikang Ingles. Mula sa ating pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, U.S.A., ibobrodkast ng istasyong ito ang ating mga video, musika, at mga audio drama ng pagbabasa ng Bibliya. Bukod diyan, magtatampok ito ng buwanang programa na ang host ay miyembro ng Lupong Tagapamahala o katulong sa isa sa mga komite nito.
Ipinapanoód ni Brother Sanderson ang preview ng unang programa. Sa pamamagitan ng host nito na si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala, ipinakita ang mga paghahandang ginawa para mabuo ang bagong istasyong ito ng TV. Ipinalabas ang JW Broadcasting noong Oktubre 6, 2014, at mapapanood ito sa tv.mr1310.com.
“Ang Kaharian—100 Taon at Patuloy.”
Si Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala ang naging tagapaglahad sa isang videong nagpapakita kung paano tayo patuloy na tinutulungan ng Kaharian ng Diyos para sumulong sa ating gawaing pangangaral. Sa pamamagitan ng pinagsama-samang historical footage, pagsasadula, at mga karanasang ikinuwento ng matatagal nang Saksi, itinampok sa video ang mga pagsisikap na ginawa gaya ng produksiyon at malawakang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation”; ang paggamit ng ponograpo, testimony card, information march, at mga sound car; at ang pagkakaroon ng mga paaralan para sanayin tayo sa ministeryo.
Paano tayo nakikinabang sa pagbubulay-bulay sa mga nagawa ng Kaharian sa nakalipas na 100 taon? Sa paggawa nito, nagiging mas totoong-totoo sa atin ang Kaharian, at lalo tayong nasasabik sa mga gagawin pa nito sa hinaharap.
Mga Awitin Para sa Pagsamba.
Tuwang-tuwa ang mga tagapakinig nang ipatalastas ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ang tungkol sa planong i-revise ang ating aklat-awitang Umawit kay Jehova. Ang materyales ng pabalat na gagamitin dito ay kagaya ng sa New World Translation, at kulay-pilak din ang gilid nito. Ang paggamit ng de-kalidad na materyales ay nagpapakitang mahalaga sa ating pagsamba ang musika.
Ipinatalastas din ni Brother Splane na daragdagan ng ilang awit ang aklat-awitan. Pero hindi na natin kailangang hintaying maimprenta ang nirebisang aklat-awitan para magamit ang mga bagong awit. Ilalabas ito sa jw.org kapag available na ito.
Ang tatlo sa bagong awit na ni-rehearse ng pamilyang Bethel ay inawit sa taunang miting. Si Brother Splane ang kumumpas sa korong kumanta ng bagong awit na pinamagatang “Kaharian, Itinatag—Nawa’y Dumating Na Ito!” Ang awit na ito ay kinatha para sa ika-100 taóng anibersaryo ng pagkakatatag ng Kaharian. Pagkakanta ng koro, sinabayan sila ng mga tagapakinig sa pagkanta. Sa isang bahagi ng programa, ang koro at ang mga tagapakinig ay kumanta ulit ng isa pang bagong awit na pinamagatang “Bigyan Mo Kami ng Katapangan.”
Interbyu.
Si Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang host ng isang nakarekord na interbyu sa tatlong mag-asawa na ilang dekada nang naglilingkod sa Bethel. Ikinuwento nila ang maraming pagbabagong nakita nila sa paglipas ng mga taon, na nagpapakitang kumikilos ang bayan ng Diyos. Sinabi ni Brother Lösch na ang mga pagsulong sa organisasyon ay inihula sa Bibliya, at hinimok niya ang lahat na patuloy na makialinsabay sa pagsulong ng organisasyon ni Jehova.—Isaias 60:17.
“Tipiko at Antitipiko.”
Si Brother Splane ang nagpahayag nito, na ipinaliliwanag kung bakit nitong nakalipas na mga taon ay hindi na gaanong tinatalakay sa ating mga publikasyon ang tungkol sa tipiko at antitipiko di-gaya noon.
Noon, maraming tapat na mga kapatid na lalaki at babaeng binabanggit sa Bibliya ang sinasabing lumalarawan sa mga grupo ng tapat na mga Kristiyano sa ating panahon. Gayundin, maraming ulat sa Bibliya ang ipinalalagay na mga makahulang pangyayaring may kaugnayan sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Sa totoo lang, nakawiwiling pag-aralan ang gayong mga paghahambing. Pero bakit nga ba hindi na gaanong binabanggit sa ating mga publikasyon ngayon ang tungkol sa tipiko at antitipiko?
Ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang ilang tauhan at pangyayari ay lumalarawan sa isang tao o isang bagay na mas dakila. Kapag nagbigay ang Bibliya ng isang maliwanag na pagkakaugnay ng tipiko at ng antitipiko, malugod natin itong tinatanggap. “Pero kapag tahimik ang Bibliya, dapat na tahimik din tayo,” ang sabi ni Brother Splane. Huwag nating sobrang aanalisahin ang isang ulat. Bukod diyan, kapag masyado tayong nawili sa paghahanap ng tipiko at antitipikong mga parisan at katuparan, baka hindi na natin makita ang praktikal at pang-araw-araw na mga leksiyong itinuturo ng mga ulat ng Bibliya sa ating lahat—ang pag-asa man natin ay sa langit o sa lupa.—Roma 15:4. *
“Patuloy Ka Bang Magbabantay?”
Nilinaw ng pahayag na ito, na binigkas ni Brother Lett, ang ating pagkaunawa sa talinghaga ni Jesus tungkol sa 10 dalaga. (Mateo 25:1-13) Ganito na natin ngayon inuunawa ang talinghaga: Ang kasintahang lalaki ay si Jesus, at ang mga dalaga naman ay ang kaniyang mga pinahirang tagasunod. (Lucas 5:34, 35; 2 Corinto 11:2) Ang talinghaga ay kumakapit sa mga huling araw, at ang kasukdulan nito ay magaganap sa panahon ng malaking kapighatian. Nang ilarawan ang limang mangmang na dalaga, hindi sinabi ni Jesus na marami sa kaniyang pinahirang lingkod ang magiging di-tapat at kailangang palitan. Sa halip, nagpapahiwatig siya ng isang matinding babala. Kung paanong ang lima sa mga dalaga ay maingat at ang lima naman ay mangmang, ang bawat pinahiran ay may pagkakataong pumili alinman sa pagiging handa at mapagbantay o pagiging di-tapat.
Kung paanong hindi natin dapat sobrang analisahin ang isang ulat, parang hindi rin isang katalinuhang analisahin ang ilustrasyon para makita ang makasagisag na kahulugan ng bawat detalye. Sa halip, makabubuting alamin ang praktikal na mga aral mula sa ilustrasyong iyan. Kabilang man tayo sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” tayong lahat ay may pananagutang magpasikat ng liwanag at ‘patuloy na magbantay.’ (Juan 10:16; Marcos 13:37; Mateo 5:16) Walang sinumang puwedeng maging tapat para sa atin. Dapat “piliin [ng bawat isa] ang buhay” sa pamamagitan ng pananatiling gising sa espirituwal at aktibo sa ministeryo.—Deuteronomio 30:19.
“Ilustrasyon Tungkol sa mga Talento.”
Si Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang sumunod na tagapagsalita. Tinulungan niya ang mga tagapakinig na maintindihan ang nilinaw na paliwanag sa ilustrasyon tungkol sa mga talento. (Mateo 25:14-30) Naintindihan natin na gagantimpalaan ng panginoon sa ilustrasyong ito (si Jesus) ang mga alipin (ang kaniyang tapat na pinahirang mga tagasunod na nasa lupa) kapag dumating na siya at buhayin silang muli tungo sa langit. Nang banggitin ni Jesus kung ano ang mangyayari sa “balakyot at makupad na alipin,” hindi niya sinasabing marami sa kaniyang pinahirang tagasunod ang magiging di-tapat. Sa halip, binábabaláan niya ang mga pinahiran na kailangan silang patuloy na magsikap at huwag tularan ang mga saloobin at mga pagkilos ng isang balakyot na alipin.
Anong praktikal na mga aral ang makukuha natin sa talinghagang iyan? Sa ilustrasyon, isang mahalagang bagay ang ipinagkatiwala ng panginoon sa kaniyang mga alipin. Sa katulad na paraan, ipinagkatiwala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang isang bagay na itinuturing niyang mahalaga—ang atas na mangaral at gumawa ng mga alagad. Inaasahan niya na tayong lahat ay masigasig na makikibahagi sa gawaing iyan ng pangangaral, depende sa ating kalagayan. Pinapurihan ni Brother Morris ang lahat ng naroroon dahil sa kanilang masigasig na pakikibahagi sa mga gawaing pang-Kaharian.
“Sino ang Malapit Nang Sumalakay sa Bayan ng Diyos?”
Iyan ang nakapupukaw na tema ng huling pahayag sa programa, na binigkas ni Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala. Tinalakay ni Brother Jackson ang magaganap na pagsalakay sa bayan ng Diyos na pangungunahan ni Gog ng Magog.—Ezekiel 38:14-23.
Ang pagkaunawa natin noon, si Gog ay siya ring si Satanas na Diyablo matapos siyang palayasin sa langit. Pero nangatuwiran si Brother Jackson tungkol sa ilang mahahalagang tanong na dahilan kung kaya bumangon ang ganitong pagpapaliwanag. Halimbawa, inihula ni Jehova na kapag natalo si Gog, ibibigay ni Jehova si Gog bilang pagkain “sa mga ibong maninila, mga ibon mula sa bawat uri ng pakpak, at sa mababangis na hayop sa parang.” (Ezekiel 39:4) Inihula rin ni Jehova na “si Gog at ang kaniyang buong pulutong” ay ililibing sa isang dako sa lupa. (Ezekiel 39:11) Pero paano mangyayari ang alinman sa dalawang bagay na iyan sa isang espiritung nilalang? Si Satanas ay ihahagis sa kalaliman sa loob ng 1,000 taon, at hindi kakainin o ililibing. (Apocalipsis 20:1, 2) Bukod diyan, pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kalaliman at “lalabas siya upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog.” (Apocalipsis 20:7, 8) Maliwanag, hindi maililigaw ni Satanas si Gog kung siya mismo si Gog.
Ipinaliwanag ni Brother Jackson na ang Gog ng Magog sa hula ni Ezekiel ay kumakatawan, hindi kay Satanas, kundi sa koalisyon ng mga bansa na sasalakay sa bayan ng Diyos. Malamang na ang pagsalakay ni Gog ay kagaya rin ng pagsalakay ng “hari ng hilaga” at ng pagsalakay ng “mga hari sa lupa.”—Daniel 11:40, 44, 45; Apocalipsis 17:12-14; 19:19.
Kanino kaya tumutukoy ang “hari ng hilaga”? Maghintay lang tayo. Kanino man ito tumutukoy, napatitibay ang ating pananampalataya na makitang patuloy na lumiliwanag ang ating pagkaunawa sa mga mangyayari sa hinaharap habang papalapít ito. Hindi natin kinatatakutan ang pagsalakay sa bayan ng Diyos, dahil alam nating kapag sumalakay si Gog ng Magog, matatalo siya at lubusang lilipulin—samantalang ang bayan ng Diyos ay mananatili magpakailanman. *
Konklusyon.
Ipinatalastas ni Brother Sanderson na available na ang pocket-size na New World Translation. Inihahanda na rin ang audio recording ng Bibliya. Mapapakinggan doon ang boses ng iba’t ibang indibiduwal habang binabasa nila ang mga salitang sinasabi ng mga tauhan sa Bibliya. Ang mga rekording na ito ay unti-unting ipo-post sa jw.org, na magsisimula sa aklat ng Mateo.
Ipinatalastas ni Brother Sanderson na ang taunang teksto natin para sa 2015 ay ang Awit 106:1: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti.” Pinasigla niya ang lahat na maghanap ng mga dahilan para magpasalamat araw-araw.
Ang pansarang awit na kinanta sa miting ay ang ikatlo sa ating mga bagong awit na pinamagatang “Jehova ang Iyong Ngalan.” Lahat ng pitong miyembro ng Lupong Tagapamahala ay sumali sa korong nasa entablado habang kinakanta ng mga dumalo ang magandang awit na ito—tamang-tamang pagtatapos para sa isang tunay na makasaysayang miting!