Isang Brosyur sa Maraming Wika na Nagtuturo sa Pamamagitan ng Larawan
Si Odval ay isang babaing nakatira sa Mongolia. Hindi niya sigurado kung ilang taon na siya, pero sa palagay niya, ipinanganak siya noong 1921. Sa murang edad, siya na ang nag-asikaso sa mga alagang hayop ng mga magulang niya, at isang taon lang siyang nakapag-aral. Hindi siya marunong bumasa. Pero kamakailan, isang makulay na brosyur ang nakatulong sa kaniya na makilala ang Diyos at malaman ang magandang kinabukasang naghihintay sa mga nakikinig sa Diyos. Naantig siya sa mga natutuhan niya.
Ang brosyur na iyon, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 2011, ay makukuha sa dalawang bersiyon. Pareho itong may magagandang larawan; ang pagkakaiba lang, mas kakaunti ang mga salita sa isang bersiyon.
Ang bersiyon na mas maraming salita, ang Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman, ay malapit nang umabot sa 583 wika; ang isa naman, ang Listen to God, ay sa 483 wika. Daig nito ang United Nations Universal Declaration of Human Rights, na naisalin lang sa 413 wika noong Oktubre 2013. Isa pa, halos 80 milyong kopya na ng dalawang bersiyon ng brosyur na ito ang nailimbag.
Sa Brazil, tuwang-tuwa ang isang may-edad nang babae nang makatanggap siya ng brosyur na Listen to God. Sinabi niya: “Mabuti na lang at may mga taong nagmamalasakit sa mga tulad ko. Hindi ako tumatanggap ng mga magasin ninyo dahil hindi naman ako marunong bumasa. Pero gusto ko ang brosyur na ito.”
Si Brigitte, isang babaing nakatira sa France at hindi marunong bumasa, ay nagsabi: “Araw-araw, tinitingnan ko ang mga larawan sa brosyur na ito.”
Isang Saksi sa South Africa ang sumulat: “Ito ang pinakamagandang brosyur para pasimulan ang pagtuturo ng Bibliya sa mga Chinese. Nakausap ko na ang lahat ng klase ng tao—mula sa mga graduate sa unibersidad, matatalinong tao, hanggang sa mga taong halos hindi marunong bumasa. Sa tulong ng brosyur na Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman, madali kong naibabahagi ang saligang mga turo ng Bibliya, kahit sa loob lang ng kalahating oras.”
Dalawang Saksi sa Germany ang nagtuturo ng Bibliya sa isang mag-asawang edukado. Hangang-hanga ang asawang lalaki sa brosyur. Sinabi niya: “Sana noon pa ninyo ako binigyan ng brosyur na ito! Madali kong naunawaan ang mga ulat ng Bibliya.”
Sinabi naman ng isang babaing pipi sa Australia: “Maraming taon akong tumira sa kumbento kasama ng mga madre. Malapít na malapít ako sa mga pari. Pero walang isa man sa kanila ang nagturo sa akin tungkol sa Kaharian ng Diyos. Natulungan ako ng mga larawan sa brosyur na ito na maintindihan ang ibig sabihin ng Mateo 6:10.”
Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Canada ay sumulat: “Maraming taga-Sierra Leone ang nakatira dito. Nang makita nila ang brosyur na Listen to God sa wikang Krio, nasabi ng marami na talagang masisipag ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya. Sinabi ng ilan, ‘Kayo, may malasakit sa mga tao, pero ang iba, wala.’”