Mga Kabataan—Natulungang Harapin ang Pambu-bully sa Paaralan
Noong 2014, ang 10-taóng-gulang na si Hugo ay tumanggap ng Diana Award mula sa isang charity sa Britain dahil sa pagtulong sa kaniyang mga kaeskuwela na maharap ang pambu-bully.
Sinabi ni Hugo: “Utang ko po ang award na ito sa whiteboard video na Talunin ang Bully Nang Hindi Nakikipag-away. Naging mahusay lang po akong ambassador ng anti-bullying dahil sa natutuhan ko sa video na ito na nasa jw.org.”
Unang ipinapanood ni Hugo ang animation na Talunin ang Bully sa kaniyang mga guro. Humanga sila, kung kaya pinayagan nila ang lahat ng estudyante na ma-access ang website na jw.org. Marami sa kaeskuwela ni Hugo na 8 hanggang 10 taóng gulang ang regular na ngayong bumibisita sa jw.org. Sinabi nila na nakatulong ito sa kanila, hindi lang para harapin ang mga problema gaya ng pambu-bully, kundi para sagutin din ang mga tanong gaya ng, Paano ako magkakaroon ng tunay na mga kaibigan?
Nakinabang ang mga Kabataan sa Epektibong Pamamaraan
Sa isa pang paaralan sa Britain, ang walong-taóng-gulang na si Elijah ay dumaranas ng pambu-bully. Pinag-usapan nila bilang pamilya ang video na Talunin ang Bully. Nagpraktis sila kung ano ang puwede niyang sabihin at gawin kapag binu-bully. Dahil dito, nagkaroon si Elijah ng lakas ng loob na harapin ang pambu-bully. Pagdating ng anti-bullying week, ipinapanood ng head teacher ni Elijah ang video sa buong paaralan.
Siyempre pa, hindi lang sa Britain problema ang pambu-bully. Nangyayari din ito sa buong mundo, at natutulungan ng whiteboard video na ito ang mga kabataan saanmang lugar.
Sa United States, ang 10-taóng-gulang na si Ivie ay takót sa kaklaseng nambu-bully sa kaniya. Nang mapanood ni Ivie ang video na Talunin ang Bully, nagkaroon siya ng lakas ng loob na harapin ang batang babaeng iyon. Kinausap din niya ang kaniyang guro at tinulungan siya nito sa kaniyang sitwasyon. Humingi ng tawad ang kaklase niya at magkasundo na sila ngayon.
Interesado ang mga Saksi ni Jehova sa kapakanan ng mga kabataan. Patuloy kaming maglalathala ng praktikal na mga payo para tulungan silang harapin ang karaniwang problema gaya ng pambu-bully.