“Hinihintay Ko ang Tawag Ninyo”
First time ng mag-asawang Ed at Jennie na mag-telephone witnessing noong 2010. a “’Di ko ’yon nagustuhan,” ang sabi ni Jennie. “Sabi ko sa asawa ko, ‘Last ko na ’yon!’” Iyan din ang naramdaman ni Ed. Sabi niya, “Naiinis ako kapag may tumatawag na mga telemarketer sa akin. Kaya ’di ko talaga ma-imagine na mangangaral ako sa telepono.”
Dahil sa COVID-19, tumigil ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa bahay-bahay. Pero para masunod ang utos ni Jesus na mangaral ng mabuting balita, itinuloy nila ito sa pamamagitan ng pagle-letter writing at telephone witnessing. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nagpupulong din sila gamit ang videoconferencing, at kasama rito ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Nilakasan ni Ed ang loob niya para makapag-telephone witnessing ulit siya. Ano’ng naramdaman niya sa unang pagtawag niya? “Sa sobrang kaba ko, nanalangin ako,” ang sabi niya. “’Tapos, tumawag na ako. At do’n ko nakausap si Tyrone.” b
Nakatira si Tyrone at ang asawa niyang si Edith sa Kentucky, U.S.A. Dahil 83 years old na si Tyrone, malabo na ang paningin niya. Pero tinanggap pa rin niya ang alok ni Ed na Bible study. Gumagamit siya ng magnifying glass para mabasa ang mga pinag-aaralan nila. At regular na silang nagba-Bible study ni Ed sa telepono.
Pagkatapos ng mga isang buwan, dumadalo na sina Tyrone at Edith sa mga pulong sa lugar nila. Pero dahil wala silang Internet, tinatawagan sila sa telepono para marinig nila ang pulong. Paano naging interesado si Edith?
Kapag ini-study si Tyrone, naririnig nina Ed at Jennie na tinutulungan ni Edith ang mister niya sa pagsagot at paghanap ng mga teksto. Pero hanggang doon lang ang ginagawa ni Edith noon. “Ramdam namin y’ong lungkot sa boses niya,” ang sabi ni Jennie, “pero ’di namin alam ni Ed kung bakit.”
Isang araw, naisip ni Jennie na kausapin si Edith. Kaya hiniram niya ang telepono kay Ed nang mag-Bible study sila. “Tyrone,” ang sabi ni Jennie, “naririnig ko ang misis mo sa mga Bible study natin. Gusto ko sanang magbasa siya ng isang teksto o magkomento.”
Pagkatapos, tumahimik saglit, at kinausap siya ni Edith. “Matagal ko na kayong gustong makausap,” ang sabi nito. “Saksi ni Jehova rin ako. Mga 40 years na ’kong inactive.”
Nabigla si Jennie. “Kapatid!” ang sabi niya, at pareho silang umiyak.
Pagkatapos, binigyan ni Ed si Edith ng brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova. Sa sumunod na mga linggo, napansin nina Ed at Jennie na nagbago si Edith. “No’ng una, ang lungkot-lungkot ng boses niya,” ang sabi ni Ed. “Pero ngayon, masaya na siya.” Sumulong sa espirituwal si Edith, at masaya nang nangangaral ulit ng mabuting balita. Nabautismuhan naman bilang Saksi ni Jehova ang asawa niya noong Hulyo 2022.
Kapag inaalala ni Ed ang tingin niya dati sa telephone witnessing, naaalala rin niya ang naging pag-uusap nila ni Tyrone. Pagkatapos niyang basahin ang Juan 6:44 at ipaliwanag na inilalapit ni Jehova ang mga tao sa katotohanan, sumang-ayon si Tyrone. Sinabi nito: “Hinihintay ko ang tawag ninyo.” Masaya rin si Jennie kasi nilakasan nilang mag-asawa ang loob nila na mag-telephone witnessing ulit. “Kapag ginagawa natin ang isang bagay para kay Jehova, kahit mahirap ito, pagpapalain niya tayo,” ang sabi niya.