Pumunta sa nilalaman

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Bulgaria

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Bulgaria

 Ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria ay abalang-abala sa pagtuturo ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Simula noong 2000, napakaraming Saksi ni Jehova mula sa ibang bansa ang lumipat sa Bulgaria para tumulong sa pangangaral. Anong mga hamon ang napaharap sa kanila? Sulit ba ang sakripisyo nila? Alamin natin ang kuwento ng ilan sa kanila.

Pagtatakda ng Tunguhin

 “Matagal na naming gustong maging need-greater sa ibang bansa,” ang sabi ni Darren, na taga-England. “Pagkatapos ng kasal namin ni Dawn, lumipat kami sa London para tumulong sa pagtuturo ng Bibliya sa wikang Russian. Ilang beses na kaming nakagawa ng plano na lumipat sa ibang bansa. Pero dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hindi kami natutuloy. Suko na sana kami, pero pinatibay kami ng isang kaibigan. Sinabi niya na nagbago na ang kalagayan namin at kaya na naming abutin ang tunguhin namin.” Naghanap sina Darren at Dawn ng bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan at posible talaga nilang lipatan. Noong 2011, lumipat sila sa Bulgaria bilang need-greater.

Darren at Dawn

 May ilan na sa simula ay wala naman talagang planong lumipat sa ibang bansa pero napatibay sila ng mga karanasan ng ibang mga need-greater. “May nakilala akong masisigasig na Saksi na masayang naglilingkod sa South America at Africa,” ang sabi ni Giada, na dating nakatira sa Italy kasama ang kaniyang mister na si Luca. “Napatibay ako ng mga karanasan nila at talagang ang saya-saya nila. Nakatulong iyon sa akin na magtakda ng iba pang espirituwal na tunguhin.”

Luca at Giada

 Sina Tomasz at Veronika naman na taga-Czech Republic ay lumipat sa Bulgaria noong 2015, kasama ang kanilang dalawang anak na sina Klara at Mathias. Bakit sila lumipat? Sinabi ni Tomasz: “Pinag-isipan naming mabuti ang halimbawa at karanasan ng mga kapatid at ng mga kamag-anak namin na lumipat sa ibang bansa. Nakakaengganyo ang saya nila! At iyon ang lagi naming pinagkukuwentuhan sa bahay.” Ang buong pamilya ni Tomasz ay masayang naglilingkod ngayon sa bago nilang teritoryo sa Montana City sa Bulgaria.

Klara, Tomasz, Veronika, at Mathias

 Si Linda ay lumipat din sa Bulgaria. Sinabi niya: “Namasyal ako sa Ecuador maraming taon na ang nakakalipas. May nakilala ako doon na mga need-greater. Mula noon, iniisip-isip ko na siguro, kaya ko ring maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.” Nakatulong din kina Petteri at Nadja, isang mag-asawa na taga-Finland, ang pagbubulay-bulay tungkol sa halimbawa ng iba. Sinabi nila: “Sa kongregasyon namin noon, may ilang makaranasang kapatid na nasubukang maglingkod sa ibang lugar para tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa Bibliya. Lagi nilang ikinukuwento ang magagandang karanasan nila noon. Sinabi nila na iyon ang pinakamasayang mga taon sa buhay nila.”

Linda

Nadja at Petteri

Patiunang Pagpaplano

 Napakahalaga ng mabuting pagpaplano para sa mga gustong maglingkod sa ibang bansa. (Lucas 14:28-30) “Noong gusto ko na talagang maglingkod sa ibang bansa,” ang sabi ni Nele, na taga-Belgium, “ipinanalangin ko iyon kay Jehova at naghanap ako ng mga artikulo sa publikasyon natin tungkol sa paglilingkod sa ibang bansa. Pinag-aralan kong mabuti ang mga iyon at inalam ko kung ano pa ang kailangan kong ihanda.”

Nele (kanan)

 Sina Kristian at Irmina, na mga taga-Poland, ay mahigit siyam na taon nang naninirahan sa Bulgaria. Bago sila lumipat sa Bulgaria, dumadalo sila sa isang grupo na nagsasalita ng Bulgarian. Pinatibay sila ng mga kapatid at talagang tinulungan sila na matutuhan ang wika. Sinabi nina Kristian at Irmina: “Nakita namin na kung magpapagamit ka kay Jehova, ilalaan niya ang lahat ng pangangailangan mo. Kapag sinabi mo kay Jehova, ‘Narito ako! Isugo mo ako!’ magagawa mo ang mga bagay na hindi mo sukat-akalaing kaya mong gawin.”—Isaias 6:8.

Kristian at Irmina

 Sina Reto at Cornelia, isang mag-asawa na taga-Switzerland, ay nagpasimple ng buhay para makapaghanda at makaipon ng pera. “Isang taon bago kami lumipat,” ang sabi nila, “pumunta kami sa Bulgaria nang isang linggo para malaman kung ano ang buhay doon. Nakausap namin ang isang mag-asawang misyonero na nagbigay sa amin ng praktikal na payo.” Sinunod nila ang mga mungkahing iyon. Sa ngayon, mahigit 20 taon nang naglilingkod sa Bulgaria sina Reto at Cornelia.

Cornelia at Reto, kasama ang kanilang mga anak na sina Luca at Yannik

Pagharap sa mga Hamon

 Ang mga lumipat sa ibang bansa para maglingkod ay napapaharap sa maraming hamon. (Gawa 16:9, 10; 1 Corinto 9:19-23) Para sa marami, ang pag-aaral ng bagong wika ang isa sa pinakamahirap. “Gustong-gusto nating magkomento sa mga pulong sa sarili nating wika,” ang sabi ni Luca, na binanggit kanina. “Pero pagdating namin sa Bulgaria, nahirapan kaming mag-asawa na maghanda kahit ng isang simpleng komento sa Bulgarian. Para kaming bata ulit! Ang totoo nga niyan, mas maganda pa ang komento ng mga batang tagaroon kaysa sa komento namin.”

 Sinabi ni Ravil, na taga-Germany: “Nakakapagod mag-aral ng bagong wika. Pero ang lagi kong iniisip, ‘Dapat relax ka lang. Tawanan mo lang kapag nagkamali ka.’ Para sa akin, ang mga hamon ay hindi problema, kundi bahagi iyon ng sagradong paglilingkod kay Jehova.”

Ravil at Lilly

 Sinabi ni Linda, na binanggit kanina: “Hindi ako madaling matuto ng bagong wika. Mahirap matutuhan ang Bulgarian. Ilang beses na gusto ko nang sumuko. Nakakalungkot kapag hindi mo makausap ang mga tao at hindi mo maintindihan ang sinasabi nila. Para mapanatili kong matibay ang kaugnayan ko kay Jehova, Swedish ang mga publikasyong ginagamit ko sa personal study. Bandang huli, sa tulong ng mga kapatid, natutuhan ko ring magsalita ng Bulgarian.”

 Hamon din ang mapalayo sa pamilya, kamag-anak, at mga kaibigan. “Noong una, nalungkot ako,” ang sabi ni Eva, na lumipat sa Bulgaria kasama ng kaniyang asawang si Yannis. “Kaya ang ginawa namin, lagi kaming tumatawag sa mga kaibigan at pamilya namin, at nakipagkaibigan din kami sa mga kapatid dito sa Bulgaria.”

Yannis at Eva

 May iba pang mga hamon. Ipinaliwanag nina Robert at Liana, na taga-Switzerland: “Mahirap na hamon para sa amin ang wika at ang kultura, at hindi namin sukat-akalaing napakalamig ng winter dito.” Nakatulong sa mag-asawang ito ang pananatiling positibo at masayahin para makapaglingkod nang tapat sa Bulgaria sa nakalipas na 14 na taon.

Robert at Liana

Mga Pagpapala

 Pinapasigla ni Lilly ang iba na maglingkod din kung saan malaki ang pangangailangan. “Dahil naglingkod ako sa ibang bansa, mas nakita ko kung paano ako tinutulungan ni Jehova,” ang sabi niya. “Mas marami akong natulungan at dahil doon, sumulong ako sa espirituwal, mas masaya ako, at kontento.” Ganiyan din ang nadarama ng asawa niya. Sinabi ni Ravil: “Ito ang pinakamagandang buhay! Marami kang makikilala na masisigasig na kapatid mula sa ibang bansa na maraming magagandang karanasan. Napakarami kong natutuhan sa kanila.”

 Dahil kusang-loob na inihandog ng marami ang kanilang sarili, naipapangaral ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian sa buong lupa.’ (Mateo 24:14) Dahil handa silang magsakripisyo, nakita ng mga kapatid na lumipat sa Bulgaria kung paano ipinagkaloob ni Jehova ang mga gusto ng puso nila at pinagtagumpay ang lahat ng kanilang plano.—Awit 20:1-4.