Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno na itinatag ng Diyos na Jehova. Ang “kaharian ng Diyos” ay tinatawag din ng Bibliya bilang “kaharian ng langit” dahil sa langit ito nakatatag. (Marcos 1:14, 15; Mateo 4:17) Marami itong pagkakapareho sa mga gobyerno ng tao, pero nakahihigit ito sa lahat ng aspekto.
Tagapamahala. Inatasan ng Diyos si Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian at ibinigay sa kaniya ang awtoridad na nakahihigit sa taglay ng sinumang tagapamahalang tao. (Mateo 28:18) Napatunayan na ni Jesus na siya ay maaasahan at mahabaging Lider, kaya masasabing ginagamit lang niya ang kapangyarihang ito sa ikabubuti ng lahat. (Mateo 4:23; Marcos 1:40, 41; 6:31-34; Lucas 7:11-17) Inutusan ng Diyos si Jesus na pumili ng mga tao mula sa lahat ng bansa na makakasama niya sa langit at “mamamahala . . . bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
Tagal ng pamamahala. Hindi nagtatagal ang pamamahala ng mga gobyerno ng tao. Sa kabaligtaran, ang Kaharian ng Diyos ay “hindi magigiba kailanman.”—Daniel 2:44.
Sakop. Anuman ang lahi o pinagmulan ng isa, basta ginagawa niya ang hinihiling ng Diyos, maaari siyang maging sakop ng Kaharian ng Diyos.—Gawa 10:34, 35.
Batas. Ang mga batas (o kautusan) ng Kaharian ng Diyos hindi lang nagbabawal ng maling paggawi. Tinuturuan din nito ang mga sakop nito na maging mas mabubuting tao. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mateo 22:37-39) Ang mga sakop ng Kaharian ay gumagawa ng mabuti sa iba dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.
Edukasyon. Bukod sa pagtatakda ng matataas na pamantayan para sa mga sakop nito, itinuturo din ng Kaharian ng Diyos kung paano maaabot ang mga pamantayang iyon.—Isaias 48:17, 18.
Misyon. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, hindi magpapasarap sa buhay ang mga tagapamahala habang naghihirap naman ang mga sakop nito. Sa halip, gagawin nito ang kalooban ng Diyos, kasama na ang pagbibigay ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa sa mga umiibig sa kaniya.—Isaias 35:1, 5, 6; Mateo 6:10; Apocalipsis 21:1-4.