Birheng Maria—Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Kaniya?
Ang sagot ng Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na si Maria, ang ina ni Jesus, ay nagkaroon ng natatanging karangalan na isilang si Jesus samantalang siya ay birhen pa. Inihula ng Bibliya ang himalang ito sa aklat ng Isaias, at iniulat ang katuparan nito sa mga Ebanghelyo ni Mateo at ni Lucas.
Sa isang hula tungkol sa pagsilang ng Mesiyas, inihula ni Isaias: “Narito! Ang dalaga mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki.” (Isaias 7:14) Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, ikinapit ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ang hula ni Isaias sa paglilihi ni Maria kay Jesus. Pagkatapos iulat na si Maria ay makahimalang nagdalang-tao, sinabi pa ni Mateo: “Ang lahat ng ito ay talagang nangyari upang matupad yaong sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta, na nagsasabi: ‘Narito! Ang dalaga a ay magdadalang-tao at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin nilang Emmanuel ang pangalan nito,’ na kapag isinalin ay nangangahulugang ‘Sumasaatin ang Diyos.’”—Mateo 1:22, 23.
Iniulat din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ang makahimalang pagdadalang-tao ni Maria. Isinulat niya na isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel “sa isang dalaga na ipinangakong mapangasawa ng isang lalaki na nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at ang pangalan ng dalaga ay Maria.” (Lucas 1:26, 27) Pinatunayan ni Maria na birhen siya. Pagkatapos marinig na magiging ina siya ni Jesus, ang Mesiyas, nagtanong si Maria: “Paano ito mangyayari, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?”—Lucas 1:34.
Paano maaaring magsilang ng anak ang isang birhen?
Ang pagdadalang-tao ni Maria ay nangyari sa pamamagitan ng banal na espiritu, ang aktibong kapangyarihan ng Diyos. (Mateo 1:18) Sinabi kay Maria: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” b (Lucas 1:35) Makahimalang inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak sa bahay-bata ni Maria, kaya naglihi ito.
Ano ang layunin ng pagsisilang ng isang birhen?
Ginamit ng Diyos ang pagsisilang ng isang birhen upang magkaroon ng perpekto, o sakdal na katawang-tao si Jesus para mailigtas niya ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16; Hebreo 10:5) Inilipat ng Diyos ang buhay ni Jesus sa bahay-bata ni Maria. Pagkatapos, iningatan ng banal na espiritu ng Diyos ang lumalaking binhi para hindi ito maapektuhan ng anumang di-kasakdalan.—Lucas 1:35.
Kaya si Jesus ay isinilang na isang perpektong tao, kagaya ni Adan bago ito magkasala. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22) Bilang isang sakdal na tao, mababayaran ni Jesus ang pantubos para tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.—1 Corinto 15:21, 22; 1 Timoteo 2:5, 6.
Nanatili bang birhen si Maria?
Hindi itinuturo ng Bibliya na si Maria ay walang-hanggang birhen, o laging birhen. Sa halip, ipinakikita nito na si Maria ay nagkaroon ng iba pang mga anak.—Mateo 12:46; Marcos 6:3; Lucas 2:7; Juan 7:5.
Ang pagsilang ba ng isang birhen kay Jesus ang “Immaculada Concepcion”?
Hindi. Ayon sa New Catholic Encyclopedia, ang doktrina ng Immaculada Concepcion ay “ang paniniwalang si Birheng Maria ay malaya mula sa ORIHINAL NA KASALANAN mula pa sa pasimula ng kaniyang buhay, ibig sabihin, mula pa nang ipaglihi siya. Ang iba pa sa sangkatauhan ay nagmana ng kasalanan . . . Pero si Maria, sa pamamagitan ng natatanging GRASYA, ay naingatan at hindi nagkaroon ng orihinal na kasalanan.” c
Sa kabaligtaran, hindi itinuturo ng Bibliya na si Maria ay malaya mula sa orihinal na kasalanan. (Awit 51:5; Roma 5:12) Sa katunayan, pinatunayan ni Maria na siya ay makasalanan nang maghandog siya ng nagbabayad-salang hain na hinihiling sa mga ina sa Kautusang Mosaiko. (Levitico 12:2-8; Lucas 2:21-24) Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang Immaculada Concepcion ay hindi tiyakang itinuturo sa Kasulatan . . . [Ito] ay turo ng Simbahan.”
Paano natin dapat ituring si Maria?
Si Maria ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pananampalataya, pagkamasunurin, kapakumbabaan, at matinding pag-ibig sa Diyos. Kabilang siya sa mga tapat na dapat nating tularan.—Hebreo 6:12.
Pero sa kabila ng natatangi niyang papel bilang ina ni Jesus, hindi itinuturo ng Bibliya na dapat sambahin si Maria o manalangin sa kaniya. Hindi binigyan ni Jesus ng natatanging karangalan ang kaniyang ina, ni inutusan man niyang gawin iyon ng kaniyang mga tagasunod. Sa katunayan, bukod sa mga ulat ng Ebanghelyo at isang pagbanggit dito sa aklat ng Mga Gawa, si Maria ay hindi binabanggit sa natitirang 22 aklat ng tinatawag na Bagong Tipan.—Gawa 1:14.
Walang ebidensiya sa Kasulatan na si Maria ay tumanggap ng espesyal na atensiyon—ni sinamba man—ng mga Kristiyano noong unang siglo. Sa halip, itinuturo ng Bibliya sa mga Kristiyano na sa Diyos lang sumamba.—Mateo 4:10.
a Ang salitang Hebreo na isinaling “dalaga” sa hula ni Isaias ay ʽal·mahʹ, na maaaring tumukoy sa isang birhen o di-birheng babae. Pero sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, ginamit ni Mateo ang mas espesipikong salitang Griego na par·theʹnos, na ang ibig sabihin ay “birhen.”
b Tinututulan ng ilan ang paggamit ng salitang “Anak ng Diyos,” na parang pinalalabas nito na nakipagtalik ang Diyos sa isang babae. Gayunman, ang ideyang ito ay hindi itinuturo sa Kasulatan. Sa halip, tinatawag ng Bibliya si Jesus na “Anak ng Diyos” at “ang panganay sa lahat ng nilalang” dahil siya ang una at tanging tuwirang nilalang ng Diyos. (Colosas 1:13-15) Binabanggit din ng Bibliya ang unang tao, si Adan, na “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Ito ay dahil nilalang ng Diyos si Adan.
c Ikalawang Edisyon, Tomo 7, pahina 331.