Kaya Bang Kontrolin ng Diyablo ang mga Tao?
Ang sagot ng Bibliya
Napakalakas ng impluwensiya ng Diyablo at mga demonyo sa mga tao kaya sinasabi ng Bibliya: “Ang Isa na Masama ang kumokontrol sa buong mundo.” (1 Juan 5:19, New Century Version) Tinutukoy ng Bibliya ang mga paraan kung paano iniimpluwensiyahan ng Diyablo ang mga tao.
Panlilinlang. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ (Efeso 6:11) Ang isa sa mga pakana niya ay ang papaniwalain ang mga tao na ang kaniyang mga alipores ay mga lingkod ng Diyos.—2 Corinto 11:13-15.
Espiritismo. Inililigaw ng Diyablo ang mga tao sa pamamagitan ng mga espiritista at manghuhula. (Deuteronomio 18:10-12) Ang paggamit ng droga, hipnotismo, at meditasyon na bumabakante ng isip ay naghahantad sa isa sa kontrol ng demonyo.—Lucas 11:24-26.
Huwad na relihiyon. Ang mga relihiyong nagtuturo ng maling doktrina ay nagliligaw sa mga tao kung kaya hindi nila nasusunod ang Diyos. (1 Corinto 10:20) Tinatawag ng Bibliya ang maling paniniwalang ito bilang “mga turo ng mga demonyo.”—1 Timoteo 4:1.
Pagsanib. May mga ulat ang Bibliya tungkol sa mga indibiduwal na kinontrol ng masasamang espiritu. Ang ilang tao na sinasaniban ng demonyo ay nabubulag o napipipi o nananakit pa nga sa sarili.—Mateo 12:22; Marcos 5:2-5.
Kung paano malalabanan ang impluwensiya ng Diyablo
Hindi mo kailangang mabuhay sa takot dahil sinasabi ng Bibliya kung paano mo malalabanan ang Diyablo:
Alamin ang mga taktika ng Diyablo para ‘hindi ka naman walang-alam sa kaniyang mga pakana.’—2 Corinto 2:11.
Mag-aral ng Bibliya at isabuhay ang mga natututuhan mo. Kung susundin mo ang mga simulain ng Bibliya, mapoprotektahan ka mula sa impluwensiya ng Diyablo.—Efeso 6:11-18.
Umiwas sa anumang bagay na may kaugnayan sa gawain ng mga demonyo. (Gawa 19:19) Kasama rito ang mga musika, aklat, magasin, poster, at video na nagtataguyod ng espiritismo.