Hindi Ako Masaya sa Buhay Ko—Makakatulong ba ang Relihiyon, Diyos, o ang Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. Ang Bibliya ay isang aklat ng karunungan at sinasagot nito ang mahahalagang tanong tungkol sa buhay. Makakatulong ito sa iyo na maging masaya. Isaalang-alang ang ilan sa mga tanong na sinasagot nito.
Mayroon bang Maylalang? Sinasabi ng Bibliya na “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Bilang ating Maylalang, alam ng Diyos ang kailangan natin para maging masaya at magkaroon ng makabuluhang buhay.
Nagmamalasakit ba sa akin ang Diyos? Ganito inilalarawan ng Bibliya ang Diyos: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Interesado siya sa nangyayari sa iyo at gusto niyang magtagumpay ka sa buhay.—Isaias 48:17, 18; 1 Pedro 5:7.
Bakit magiging masaya ako kung makikilala ko ang Diyos? Nilalang tayo ng Diyos nang may “espirituwal na pangangailangan,” o likas na pagnanais na maintindihan ang kahulugan at layunin ng buhay. (Mateo 5:3) Dahil sa ating espirituwal na pangangailangan, gusto rin nating makilala ang ating Maylalang at maging malapít sa kaniya. Pahahalagahan ng Diyos ang pagsisikap mong makilala siya, dahil sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Nakita ng milyun-milyong tao na ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay nakatulong sa kanila na maging mas mabuti at masaya sa buhay. Hindi naman ito nangangahulugang hindi ka na magkakaproblema, pero ang karunungan ng Diyos na nasa Bibliya ay makakatulong sa iyo na
magkaroon ng mas maligayang buhay pampamilya.
magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa iba.
maharap ang iba’t ibang problema gaya ng depresyon, stress dahil sa pera, at nagtatagal na sakit.
Maraming relihiyon na gumagamit ng Bibliya ang hindi naman sumusunod sa turo nito. Sa kabaligtaran, ang tunay na relihiyon, na sumusunod sa sinasabi ng Bibliya, ay tutulong sa iyo na makilala ang Diyos.