Karanasan ng mga Napasabingit ng Kamatayan—Ano ang Katotohanan Tungkol Dito?
Ang sagot ng Bibliya
Maraming tao na napasabingit ng kamatayan ang nagsasabing naaalaala nilang humiwalay sila sa kanilang katawan o nakakita sila ng matinding liwanag o isang napakagandang lugar. ‘Ipinapalagay ng iba na ang karanasang ito ay isang patikim sa kabilang-buhay,’ ang sabi ng aklat na Recollections of Death. Bagaman walang ulat ang Bibliya tungkol sa gayong mga karanasan ng mga napasabingit ng kamatayan, may binabanggit itong isang saligang katotohanan na nagpapakitang ang mga karanasang ito ay hindi mga pangitain ng kabilang-buhay.
Ang mga patay ay walang anumang kabatiran.
Sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kapag namatay tayo, hindi tayo lumilipat sa ibang antas ng pag-iral o pag-iisip; sa halip, hindi na tayo umiiral. Ang turo na mayroon tayong imortal na kaluluwa na humihiwalay sa katawan kapag namatay tayo ay hindi galing sa Bibliya. (Ezekiel 18:4) Kaya ang anumang alaala ng mga napasabingit ng kamatayan ay hindi mga patikim ng buhay sa langit, impiyerno, o kabilang-buhay.
Ano ang sinabi ni Lazaro tungkol sa kabilang-buhay?
Inilalarawan ng Bibliya ang tungkol kay Lazaro na aktuwal na dumanas ng kamatayan: Binuhay siyang muli ni Jesus pagkalipas ng apat na araw. (Juan 11:38-44) Kung nasa kabilang-buhay na si Lazaro at masaya na roon, isang kalupitan na buhayin pa siyang muli ni Jesus sa lupa. Ang totoo, walang ulat ang Bibliya na nagkuwento si Lazaro tungkol sa kabilang-buhay. Siguradong magkukuwento siya tungkol dito kung naranasan nga niya iyon. Kapansin-pansin, inihalintulad ni Jesus ang kamatayan ni Lazaro sa pagtulog, na nagpapakitang habang patay si Lazaro, wala siyang anumang kabatiran.—Juan 11:11-14.