Kung Paano Mananalangin—Pinakamagandang Paraan Ba ang Panalangin ng Panginoon?
Ang sagot ng Bibliya
Tinutulungan tayo ng Panalangin ng Panginoon kung paano mananalangin at kung ano ang sasabihin sa panalangin. Ibinigay ni Jesus ang panalanging ito nang sabihin ng mga alagad niya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Pero hindi lang ang Panalangin ng Panginoon, o Ama Namin, ang panalanging tinatanggap ng Diyos. a Itinuro ito ni Jesus bilang halimbawa kung anong mga panalangin ang pinapakinggan ng Diyos.
Sa artikulong ito
Ano ang sinasabi sa Panalangin ng Panginoon?
Sa ilang salin ng Bibliya, iba-iba ang pananalitang ginamit sa Panalangin ng Panginoon na mababasa sa Mateo 6:9-13. Ito ang dalawang halimbawa.
Bagong Sanlibutang Salin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa. Bigyan mo kami ng pagkain para sa araw na ito; at patawarin mo kami sa mga kasalanan namin, kung paanong pinatatawad namin ang mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.”
Magandang Balita Biblia: “Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa masama!” b
Ano ang ibig sabihin ng Panalangin ng Panginoon?
Magkaugnay ang turo ni Jesus at ang ibang turo ng Bibliya, kaya makakatulong ang ibang teksto sa Bibliya para malaman ang ibig sabihin ng Panalangin ng Panginoon.
“Ama namin na nasa langit”
Tama lang na tawagin nating “Ama” ang Diyos kasi nilalang niya tayo at binigyan ng buhay.—Isaias 64:8.
“Pakabanalin nawa ang pangalan mo”
Dapat bigyang-dangal at ituring na banal o sagrado ang pangalan ng Diyos na Jehova. Napapabanal ng mga tao ang pangalan ng Diyos kapag sinasabi nila sa iba ang mga katangian at layunin niya.—Awit 83:18; Isaias 6:3.
“Dumating nawa ang Kaharian mo”
Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit at si Jesus ang Hari nito. Itinuturo sa atin ni Jesus na ipanalanging mamahala na sana ang kahariang ito sa buong lupa.—Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15.
“Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa”
Walang kasamaan o kamatayan sa langit, kaya ang kalooban ng Diyos ay mabuhay magpakailanman ang mga tao nang payapa at tiwasay.—Awit 37:11, 29.
“Bigyan mo kami ng pagkain para sa araw na ito”
Noong panahon ni Jesus, tinapay ang pangunahing pagkain. Ibig sabihin, dapat tayong umasa sa ating Maylalang na ibibigay niya ang lahat ng kailangan natin para mabuhay.—Gawa 17:24, 25.
“Patawarin mo kami sa mga kasalanan namin, kung paanong pinatatawad namin ang mga nagkakasala sa amin”
Ang lahat ng tao ay nagkakasala at nangangailangan ng kapatawaran. Pero kung gusto natin na mapatawad tayo ng Diyos, kailangan din nating patawarin ang iba.—Mateo 6:14, 15.
“Huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama”
Kahit kailan, hindi tayo tinutukso ng Diyos na Jehova na gumawa ng mali. (Santiago 1:13) Pero may “isa na masama” na tumutukso sa atin, si Satanas na Diyablo—na tinatawag ding “Manunukso.” (1 Juan 5:19; Mateo 4:1-4) Hinihiling natin kay Jehova na tulungan niya tayong huwag magpadala sa tukso.
Ang Panalangin ng Panginoon lang ba ang tamang paraan ng pananalangin?
Ibinigay lang ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon bilang halimbawa. Hindi ito dapat sauluhin nang salita por salita at iyon lang ang laging ipanalangin. Bago ibigay ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon, nagbabala siya: “Kapag nananalangin, huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo.” (Mateo 6:7) Nang magturo siya kung paano manalangin sa ibang pagkakataon, gumamit siya ng ibang mga salita.—Lucas 11:2-4.
Ang pinakamagandang paraan ng pananalangin ay ang pagsasabi sa Diyos ng lahat ng iniisip at nararamdaman mo.—Awit 62:8.
Paano tayo dapat manalangin?
Itinuturo ng Panalangin ng Panginoon kung anong panalangin ang pinapakinggan ng Diyos. Pansinin na kaayon ito ng iba pang mga teksto sa Bibliya tungkol sa panalangin.
Sa Diyos lang manalangin
Sabi ng Bibliya: “Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.”—Filipos 4:6.
Ibig sabihin: Dapat na sa Diyos tayo manalangin—hindi kay Jesus, Maria, o sa mga santo. Nagsimula ang Panalangin ng Panginoon sa mga salitang “Ama Namin.” Itinuturo niyan na sa Diyos na Jehova lang tayo dapat manalangin.
Ipanalangin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ng Diyos
Sabi ng Bibliya: “Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.”—1 Juan 5:14.
Ibig sabihin: Puwede tayong manalangin ng kahit anong bagay basta kaayon ito ng kalooban ng Diyos. Itinuro ni Jesus na napakahalagang isaalang-alang kung ano ang kalooban ng Diyos kaya isinama niya ang mga salitang “mangyari nawa ang kalooban mo.” Malalaman natin kung ano ang kalooban ng Diyos sa lupa at sa mga tao kung pag-aaralan natin ang Bibliya.
Ipanalangin ang tungkol sa personal na mga bagay
Sabi ng Bibliya: “Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya.”—Awit 55:22.
Ibig sabihin: Gusto ng Diyos na sabihin natin sa kaniya ang mga ikinababahala natin. Isinama ni Jesus sa Panalangin ng Panginoon ang tungkol sa personal na mga kahilingan kaya puwede nating isama sa panalangin ang tungkol sa araw-araw na mga pangangailangan natin. Puwede rin tayong humingi ng tulong kapag gumagawa tayo ng mga desisyon at kapag may pinagdadaanan tayong problema. Puwede ring isama ang paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan natin. c
a Halimbawa, may mga panalangin si Jesus at ang mga alagad niya na iba sa modelong panalanging itinuro niya.—Lucas 23:34; Filipos 1:9.
b Sa Magandang Balita Biblia, tinapos ang Panalangin ng Panginoon sa ganitong pananalita: “Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.” Ang papuring ito sa Diyos, na makikita rin sa ilang salin ng Bibliya, ay itinuturing na isang doxology. Pero sinasabi ng The Jerome Biblical Commentary: “Ang doxology . . . ay hindi masusumpungan sa pinakamapananaligang [mga manuskrito].”
c May mga taong baka nahihiya nang manalangin para humingi ng kapatawaran dahil sa mga kasalanang nagawa nila. Pero ganito ang gusto ni Jehova na gawin nila, sabi niya: “Ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.” (Isaias 1:18) Hinding-hindi niya babale-walain ang sinumang humihingi ng kapatawaran niya.