Ang Kuwento Tungkol kay Noe at sa Malaking Baha—Alamat Lang Ba?
Ang sagot ng Bibliya
Totoong nangyari ang Baha. Ginamit ito ng Diyos para lipulin ang masasamang tao noon. Inutusan niya si Noe na magtayo ng arka para maligtas ang mabubuting tao at mga hayop. (Genesis 6:11-20) May dahilan tayong maniwala na talagang nangyari ang Baha dahil nakaulat ito sa Bibliya, na “kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Katotohanan o isa lang pabula?
Sinasabi ng Bibliya na talagang nabuhay si Noe at na totoong nangyari ang Baha, hindi lang isang pabula o alamat.
Naniniwala ang manunulat ng Bibliya na talagang nabuhay si Noe. Halimbawa, isinama ng mga bihasang istoryador na sina Ezra at Lucas si Noe sa talaangkanan ng bansang Israel. (1 Cronica 1:4; Lucas 3:36) Ang manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo at Lucas ay nag-ulat tungkol sa sinabi ni Jesus may kinalaman kay Noe at sa Baha.—Mateo 24:37-39; Lucas 17:26, 27.
Binanggit din nina propeta Ezekiel at apostol Pablo si Noe bilang halimbawa ng pananampalataya at ng pagiging matuwid. (Ezekiel 14:14, 20; Hebreo 11:7) Makatuwiran bang banggitin ng mga manunulat na ito ang isang taong hindi naman umiral para gawing halimbawa na dapat tularan? Maliwanag, si Noe at ang ibang lalaki at babae na may pananampalataya ay mga halimbawang dapat tularan dahil totoong nabuhay sila.—Hebreo 12:1; Santiago 5:17.
Nagbigay ang Bibliya ng espesipikong detalye tungkol sa Baha. Ang ulat ng Bibliya tungkol sa Baha ay hindi kababasahan ng “Noong unang panahon,” na parang isang kuwentong pambata. Sa halip, binanggit ng Bibliya ang taon, buwan, at araw na sumasaklaw sa pangyayari noong Baha. (Genesis 7:11; 8:4, 13, 14) Ibinigay rin nito ang sukat ng arkang itinayo ni Noe. (Genesis 6:15) Ang mga detalyeng ito sa Bibliya ay nagpapatunay na totoo ang Baha at hindi lang isang pabula.
Bakit nangyari ang Baha?
Ayon sa Bibliya, bago ang Baha “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa.” (Genesis 6:5) Mababasa rin na “ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos” dahil napuno ito ng karahasan at seksuwal na imoralidad.—Genesis 6:11; Judas 6, 7.
Sinasabi sa Bibliya na ang kaguluhang ito ay kagagawan ng masasamang anghel na umalis sa langit para makipagtalik sa mga babae. Nagkaanak ang mga anghel na ito na tinatawag na Nefilim, na nagdulot ng malaking kapahamakan sa mga tao. (Genesis 6:1, 2, 4) Nagdesisyon ang Diyos na lipulin ang masasama sa lupa para makapamuhay nang payapa ang mabubuting tao.—Genesis 6:6, 7, 17.
Alam ba ng mga tao na darating ang Baha?
Oo. Sinabi ng Diyos kay Noe ang mangyayari at inutusan siyang magtayo ng arka para maligtas ang kaniyang pamilya at mga hayop. (Genesis 6:13, 14; 7:1-4) Nagbabala si Noe sa mga tao tungkol sa mangyayaring paglipol, pero hindi sila nakinig. (2 Pedro 2:5) Sinabi ng Bibliya: “Hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:37-39.
Ano ang hitsura ng arka ni Noe?
Ang arka ay isang malaking parihabang kahon, mga 133 metro ang haba, 22 metro ang lapad, at 13 metro ang taas. a Gawa ito sa madagtang kahoy at pinahiran ng alkitran ang loob at labas nito. Mayroon itong tatlong palapag at maraming silid. May pinto ito sa gilid at may mga bintana sa itaas. Posibleng pahilis ang hugis ng bubong ng arka para hindi maipon doon ang tubig.—Genesis 6:14-16.
Gaano katagal itinayo ni Noe ang arka?
Hindi espesipikong binanggit ng Bibliya kung gaano katagal itinayo ni Noe ang arka, pero posibleng tumagal ito nang ilang dekada. Mahigit 500 taóng gulang si Noe nang ipanganak ang kaniyang panganay, at 600 taóng gulang na siya nang mangyari ang Baha. b—Genesis 5:32; 7:6.
Inutusan ng Diyos si Noe na magtayo ng arka noong malalaki na at may asawa na ang mga anak niya, na malamang na mga 50 o 60 taon pa ang lumipas. (Genesis 6:14, 18) Mula sa pagtantiyang ito, makatuwirang sabihin na ang pagtatayo ng arka ay tumagal nang 40 o 50 taon.
a Siko ang ginamit ng Bibliya sa pagsukat sa arka. Ang “isang Hebreong siko ay katumbas ng 44.45 sentimetro.”—The Illustrated Bible Dictionary, Nirebisang Edisyon, Bahagi 3, pahina 1635.
b Tungkol sa haba ng buhay ng tao noon, gaya ni Noe, tingnan ang artikulong “Talaga Bang Napakahaba ng Buhay ng mga Tao Noong Panahon ng Bibliya?” sa Ang Bantayan isyu ng Disyembre 1, 2010.