Ano ang Lawa ng Apoy? Kapareho ba Ito ng Impiyerno o ng Gehenna?
Ang sagot ng Bibliya
Ang lawa ng apoy ay isang simbolo ng walang-hanggang pagkapuksa. Kapareho ito ng Gehenna pero hindi ng impiyerno, ang karaniwang libingan ng mga tao.
Hindi isang literal na lawa
Ipinakikita ng limang teksto sa Bibliya na bumabanggit sa “lawa ng apoy” na ito’y isang simbolo o sagisag imbes na literal na lawa. (Apocalipsis 19:20; 20:10, 14, 15; 21:8) Ang sumusunod ang inihahagis sa lawa ng apoy:
Ang Diyablo. (Apocalipsis 20:10) Bilang isang espiritung nilalang, ang Diyablo ay hindi maaaring masunog sa literal na apoy.—Exodo 3:2; Hukom 13:20.
Kamatayan. (Apocalipsis 20:14) Hindi ito isang persona kundi lumalarawan sa isang kalagayan ng kawalang-ginagawa, kawalan ng buhay. (Eclesiastes 9:10) Hindi maaaring literal na sunugin sa apoy ang kamatayan.
Ang “mabangis na hayop” at ang “bulaang propeta.” (Apocalipsis 19:20) Palibhasa’y simbolo ang mga ito, makatuwirang isipin na ang lawang paghahagisan sa mga ito ay isa ring simbolo.—Apocalipsis 13:11, 12; 16:13.
Simbolo ng walang-hanggang pagkapuksa
Sinasabi ng Bibliya na ang lawa ng apoy ay “nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 20:14; 21:8) Ang unang uri ng kamatayan na binabanggit sa Bibliya ay resulta ng kasalanan ni Adan. Mapawawalang-bisa ng pagkabuhay-muli ang epekto ng kamatayang ito at sa dakong huli, lubusan itong aalisin ng Diyos.—1 Corinto 15:21, 22, 26.
Walang napapalaya sa makasagisag na lawa ng apoy
Ang lawa ng apoy ay kumakatawan sa iba, o ikalawang, uri ng kamatayan. Bagaman tumutukoy rin ito sa kalagayan ng lubusang kawalang-ginagawa, naiiba ito dahil walang sinasabi ang Bibliya na pagkabuhay-muli mula sa ikalawang kamatayan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na hawak ni Jesus “ang mga susi ng impiyerno at ng kamatayan,” na nagpapakitang may awtoridad siyang palayain ang mga taong dumanas ng kamatayan dahil sa kasalanan ni Adan. (Apocalipsis 1:18; 20:13, King James Version) Pero si Jesus o ang sinuman ay walang susi sa lawa ng apoy. Sumasagisag ang lawang iyon sa walang-hanggang kaparusahan, na ang ibig sabihin ay permanenteng pagkapuksa.—2 Tesalonica 1:9.
Kapareho ng Gehenna, ang Libis ng Hinom
Sa Bibliya, 12 beses na binabanggit ang Gehenna (geʹen·na sa Griego). Gaya ng lawa ng apoy, sumasagisag ito sa walang-hanggang pagkapuksa. Bagaman isinasalin sa ibang wika ang salitang ito bilang “impiyerno,” ang Gehenna ay iba sa impiyerno (sheʼohlʹ sa Hebreo, haiʹdes sa Griego).
Ang salitang “Gehenna” ay literal na nangangahulugang “Libis ng Hinom,” na tumutukoy sa libis sa labas lang ng Jerusalem. Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ng mga residente sa lunsod ang libis na ito bilang tambakan ng basura. Laging may apoy ang tambakang ito para sunugin ang basura; kinakain naman ng mga uod ang hindi nasunog sa apoy.
Ginamit ni Jesus ang Gehenna bilang simbolo ng walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 23:33) Sinabi niya na ang “mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi naaapula” sa Gehenna. (Marcos 9:47, 48) Ang tinutukoy niya rito ay ang kalagayan sa Libis ng Hinom at ang hula sa Isaias 66:24, na nagsasabi: “Sila ay yayaon at titingin sa mga bangkay ng mga taong sumalansang laban sa akin; sapagkat ang mismong mga uod na nasa kanila ay hindi mamamatay at ang kanilang apoy ay hindi papatayin.” Lubusang pagkapuksa, hindi pagpapahirap, ang inilalarawan ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon. Ang kinakain ng mga uod at sinusunog ng apoy ay mga bangkay, o mga patay, hindi mga taong buháy.
Walang sinasabi ang Bibliya na may sinumang nagbalik mula sa Gehenna. Ang “lawa ng apoy” at ang “maapoy na Gehenna” ay parehong lumalarawan sa permanente at walang-hanggang pagkapuksa.—Apocalipsis 20:14, 15; 21:8; Mateo 18:9.
“Pahihirapan . . . araw at gabi magpakailan-kailanman”—Paano?
Kung ang lawa ng apoy ay simbolo ng pagkapuksa, bakit sinasabi ng Bibliya na “pahihirapan ... araw at gabi magpakailan-kailanman” sa lawang iyon ang Diyablo, ang mabangis na hayop, at ang bulaang propeta? (Apocalipsis 20:10) Pansinin ang apat na dahilan kung bakit hindi literal ang pagpapahirap na ito:
Para pahirapan nang walang-hanggan ang Diyablo, kailangan siyang panatilihing buháy magpakailanman. Pero sinasabi ng Bibliya na siya ay papawiin, o hindi na iiral pa.—Hebreo 2:14.
Ang buhay na walang hanggan ay regalo ng Diyos, hindi parusa.—Roma 6:23.
Mga simbolo ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta kaya hindi maaaring pahirapan ang mga ito nang literal.
Ipinahihiwatig ng konteksto sa Bibliya na ang pagpapahirap sa Diyablo ay ang pagpigil o pagpuksa sa kaniya magpakailanman.
Ang salitang ginamit sa Bibliya para sa “pagpapahirap” ay puwede ring tumukoy sa pagiging “napipigilan.” Halimbawa ang salitang Griego para sa “tagapagpahirap” na ginamit sa Mateo 18:34 ay isinaling “tagapagbilanggo” sa maraming salin ng Bibliya. Ipinakikita nito ang kaugnayan ng mga salitang “pagpapahirap” at “napipigilan.” Gayundin, ang salitang “pahirapan” sa Mateo 8:29 ay tinumbasan sa Lucas 8:30, 31 ng salitang “kalaliman”—isang makasagisag na lugar ng lubusang kawalang-ginagawa o kamatayan. (Roma 10:7; Apocalipsis 20:1, 3) Sa katunayan, ilang beses na ginamit sa aklat ng Apocalipsis ang salitang “pagpapahirap” sa makasagisag na paraan.—Apocalipsis 9:5; 11:10; 18:7, 10.