Paano Ka Mabubuhay Magpakailanman?
Ang sagot ng Bibliya
Nangangako ang Bibliya: “Ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.” (1 Juan 2:17, Magandang Balita Biblia) Ano ang gusto ng Diyos na gawin mo?
Kilalanin ang Diyos at ang kaniyang Anak, si Jesus. Sinabi ni Jesus sa panalangin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ano ang sangkot sa “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos at kay Jesus? Makikilala natin sila sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagsasabuhay ng mensahe nito. a Sa Bibliya, makikita natin ang pag-iisip ng Maylikha, ang Diyos na Jehova, na siyang Tagapagbigay ng buhay. (Gawa 17:24, 25) May sinasabi rin ang Bibliya tungkol sa kaniyang Anak, si Jesus, na nagturo ng “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:67-69.
Manampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Dumating si Jesus sa lupa para “maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos.” (Mateo 20:28) Dahil sa haing pantubos ni Jesus, puwedeng mabuhay magpakailanman ang mga tao sa Paraisong lupa. b (Awit 37:29) Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Pansinin na hindi sapat ang basta maniwala kay Jesus. Dapat tayong ‘manampalataya sa kaniya,’ na namumuhay ayon sa kaniyang mga turo at sa kalooban ng kaniyang Ama.—Mateo 7:21; Santiago 2:17.
Makipagkaibigan sa Diyos. Gusto ng Diyos na mapalapít tayo sa kaniya at maging kaibigan niya. (Santiago 2:23; 4:8) Ang Diyos ay walang hanggan. Hindi siya mamamatay, at gusto niyang mabuhay rin magpakailanman ang mga kaibigan niya. Sa kaniyang Salita, sinasabi ng Diyos sa mga humahanap sa kaniya: “Mabuhay nawa [kayo] magpakailanman.”—Awit 22:26.
Mga Maling Akala Tungkol sa Pamumuhay Magpakailanman
Maling akala: Mga pagsisikap ng tao ang magbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ang totoo: Kahit ipinapangako ng medisina na kaya nitong pahabain ang buhay ng tao, hindi pa rin ito makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Diyos lang ang makakapagbigay nito, dahil siya lang ang “bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Nangangako siya na “lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman” at bibigyan niya ng walang-hanggang buhay ang mga tapat.—Isaias 25:8; 1 Juan 2:25.
Maling akala: May mga piling lahi lang na mabubuhay magpakailanman.
Ang totoo: Walang paboritismo sa Diyos. Sa halip, “sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Lahat ng masunurin sa Diyos, anuman ang kanilang lahi at pinagmulan, ay puwedeng mabuhay magpakailanman.
Maling akala: Nakakabagot mabuhay nang walang hanggan.
Ang totoo: Ang buhay na walang hanggan ay galing sa Diyos; mahal niya tayo at gusto niyang maging maligaya tayo. (Santiago 1:17; 1 Juan 4:8) Alam niya na para maging maligaya tayo, kailangan natin ng makabuluhang gawain. (Eclesiastes 3:12) Nangangako ang Diyos na ang mga mabubuhay magpakailanman sa lupa ay magkakaroon ng kasiya-siya at makabuluhang gawain na makakabuti sa kanila at sa kanilang mga mahal sa buhay.—Isaias 65:22, 23.
Ang mga mabubuhay magpakailanman ay matututo rin ng mga bagong bagay tungkol sa Maylikha at sa kaniyang mga nilalang. Nilikha niya ang tao na may pagnanais na mabuhay magpakailanman at kagustuhang matuto tungkol sa kaniya, kahit ‘hindi nila kailanman matutuklasan ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.’ (Eclesiastes 3:10, 11) Kaya ang mga mabubuhay magpakailanman ay hindi mauubusan ng mga bagay na mapag-aaralan at gagawin.
a Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya. Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang video na Paano Ginagawa ang Pag-aaral sa Bibliya?
b Tingnan ang artikulong “Paano Nakapagliligtas si Jesus?”