Sino ang mga Nefilim?
Ang sagot ng Bibliya
Ang mga Nefilim ay mga higante, ang mararahas at malalakas na anak ng masasamang anghel at ng mga babaeng tao noong panahon ni Noe. a
Ayon sa ulat ng Bibliya, “napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda.” (Genesis 6:2) Ang mga ‘anak ng Diyos’ na ito ay mga espiritung nilalang na nagrebelde sa Diyos dahil ‘iniwan nila ang kanilang sariling wastong tahanang dako’ sa langit, nagkatawang-tao, at ‘kumuha ng kani-kanilang mga asawa, ang lahat ng kanilang pinili.’—Judas 6; Genesis 6:2.
Hindi ordinaryo ang naging mga anak nila. (Genesis 6:4) Ang mga Nefilim ay mga higante na malulupit, at pinuno nila ng karahasan ang lupa. (Genesis 6:13) Inilalarawan sila sa Bibliya bilang “mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.” (Genesis 6:4) Naaalala sila ngayon bilang mga taong nagdulot ng karahasan at takot.—Genesis 6:5; Bilang 13:33. b
Mga maling akala tungkol sa mga Nefilim
Maling akala: May mga Nefilim pa rin ngayon sa lupa.
Ang totoo: Nilipol ni Jehova sa isang pangglobong baha ang marahas na sanlibutang iyon. Kasama sa mga nilipol ang mga Nefilim. Samantala, si Noe at ang kaniyang pamilya ay naging kalugod-lugod kay Jehova, at sila lang ang natirang buháy nang panahong iyon.—Genesis 6:9; 7:12, 13, 23; 2 Pedro 2:5.
Maling akala: Tao ang ama ng mga Nefilim.
Ang totoo: Tinawag na “mga anak ng tunay na Diyos” ang kanilang mga ama. (Genesis 6:2) Ginagamit din sa Bibliya ang pananalitang ito para tukuyin ang mga anghel. (Job 1:6; 2:1; 38:7) May kapangyarihan ang mga anghel na magkatawang-tao. (Genesis 19:1-5; Josue 5:13-15) Binanggit ng apostol na si Pedro ang tungkol sa “mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” (1 Pedro 3:19, 20) Sinabi naman ng manunulat ng Bibliya na si Judas na ang ilan sa mga anghel ay “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.”—Judas 6.
Maling akala: Ang mga Nefilim ay mga anghel na pinalayas sa langit.
Ang totoo: Batay sa konteksto ng Genesis 6:4, ang mga Nefilim ay hindi mga anghel kundi mga anak ng mga anghel na nagkatawang-tao at ng mga babaeng tao. Matapos ‘kumuha ng kani-kanilang mga asawa’ ang mga anghel, sinabi ni Jehova na pagkalipas ng 120 taon, hahatulan niya ang di-makadiyos na sanlibutang iyon. (Genesis 6:1-3) Sinabi rin ng ulat na “nang mga araw na iyon,” ang mga anghel na nagkatawang-tao ay “patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao” at naging anak nila ang “mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog,” ang mga Nefilim.—Genesis 6:4.
a Ang salitang Hebreo na pinagmulan ng salitang “Nefilim” ay posibleng nangangahulugang “Mga Tagapagbagsak.” Sinasabi ng aklat na Wilson’s Old Testament Word Studies na tumutukoy ang salitang ito sa sinumang “bumabagsak sa mga tao sa pamamagitan ng karahasan at pangangamkam, kung kaya pinababagsak nila ang mga ito.”
b Sa Bilang 13:33, inilarawan ng mga Israelitang espiya ang mga taong nakita nila. Lumilitaw na dahil sa laki ng mga taong ito, naalaala nila ang mga Nefilim, na daan-daang taon nang patay noon.—Genesis 7:21-23.