Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa mga Tato?
Ang sagot ng Bibliya
Minsan lang binanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga tato. Sinasabi sa Levitico 19:28: “Huwag kayong maglalagay ng marka ng tato sa inyong sarili.” Ibinigay ng Diyos ang utos na ito sa bansang Israel, anupat ibinubukod sila mula sa kalapit na mga bayan na nagtatato sa kanilang balat ng mga pangalan o simbolo ng kanilang mga diyos. (Deuteronomio 14:2) Bagaman hindi kapit sa mga Kristiyano ang Kautusang ibinigay sa Israel, ang simulain sa utos na ito ay dapat na seryosong pag-isipan.
Puwede bang magpatato ang isang Kristiyano?
Ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya ay makatutulong sa iyo sa bagay na ito:
“[Dapat] gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ... na may kahinhinan.” (1 Timoteo 2:9) Ang simulaing iyan ay kapit sa mga babae at lalaki. Dapat nating igalang ang damdamin ng iba at iwasang makatawag ng labis na pansin sa ating sarili.
Gustong magpatato ng ilan para patunayan ang kanilang pagkatao o kalayaan, samantalang ang iba naman ay para ipakitang may karapatan silang gawin ang gusto nila sa kanilang katawan. Pero pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para malaman kung bakit gusto mong magpatato. Dahil ba ito sa gusto mong sumunod sa uso o ipakitang miyembro ka ng isang partikular na grupo? Tandaan na maaaring magbago ang isip mo, pero ang tato ay permanente. Kung susuriin mo ang iyong mga motibo, makatutulong ito sa iyo na gumawa ng matalinong pasiya.—Kawikaan 4:7.
“Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kawikaan 21:5) Kadalasan nang padalus-dalos ang desisyong magpatato, pero mayroon itong pangmatagalang epekto sa trabaho at sa kaugnayan sa iba. Magastos at masakit ang magpatanggal ng mga tato. Ipinakikita ng mga pagsasaliksik—pati na rin ng malaking kita sa negosyo ng pagtatanggal ng tato—na maraming nagpatato ang nagsising nagpatato sila.