Ano ang “mga Susi ng Kaharian”?
Ang sagot ng Bibliya
Ang “mga susi ng kaharian” ay tumutukoy sa awtoridad na buksan ang daan sa mga tao para “pumasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 16:19; Gawa 14:22) a Ibinigay ni Jesus kay Pedro ang “mga susi ng kaharian ng langit.” Ibig sabihin, si Pedro ay binigyan ng awtoridad na sabihin kung paanong ang tapat na mga tao, sa pamamagitan ng pagtanggap ng banal na espiritu ng Diyos, ay maaaring magkapribilehiyo na pumasok sa Kaharian sa langit.
Para kanino ginamit ang mga susi?
Ginamit ni Pedro ang awtoridad mula sa Diyos para buksan ang daan at makapasok sa Kaharian ang tatlong grupo:
Mga Judio at nakumberteng Judio. Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus, hinikayat ni Pedro ang isang pulutong ng mga mananampalatayang Judio na tanggapin si Jesus bilang ang isa na pinili ng Diyos na mamahala sa Kaharian. Sinabi sa kanila ni Pedro kung ano ang dapat nilang gawin para maligtas. Sa gayon, binuksan niya ang daan para makapasok sila sa Kaharian, at libo-libo ang “yumakap sa kaniyang salita.”—Gawa 2:38-41.
Mga Samaritano. Nang maglaon, isinugo si Pedro sa mga Samaritano. b Ginamit niya muli ang susi ng Kaharian nang siya, kasama si apostol Juan, ay “nanalangin upang tumanggap sila ng banal na espiritu.” (Gawa 8:14-17) Ito ang nagbukas ng daan para makapasok sa Kaharian ang mga Samaritano.
Mga Gentil. Tatlo at kalahating taon pagkamatay ni Jesus, isiniwalat ng Diyos kay Pedro na ang mga Gentil (di-Judio) ay may pagkakataon ding makapasok sa Kaharian. Kaya naman ginamit ni Pedro ang isa sa mga susi sa pamamagitan ng pangangaral sa mga Gentil, sa gayo’y binubuksan ang pinto para tumanggap sila ng banal na espiritu, maging mga Kristiyano, at maging potensiyal na mga miyembro ng Kaharian.—Gawa 10:30-35, 44, 45.
Ano ang ibig sabihin ng “pumasok sa kaharian”?
Ang mga totoong ‘pumapasok sa kaharian’ ay nagiging mga kasamang tagapamahala ni Jesus sa langit. Inihula ng Bibliya na sila ay ‘uupo sa mga trono’ at “mamamahala ... bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Lucas 22:29, 30; Apocalipsis 5:9, 10.
Mga maling akala tungkol sa mga susi ng Kaharian
Maling akala: Si Pedro ang nagpapasiya kung sino ang maaaring pumasok sa langit.
Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya na si Kristo Jesus, hindi si Pedro, ang “itinalagang humatol sa mga buháy at sa mga patay.” (2 Timoteo 4:1, 8; Juan 5:22) Sa katunayan, sinabi mismo ni Pedro na si Jesus “ang Isa na itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.”—Gawa 10:34, 42.
Maling akala: Ang langit ang naghintay kung kailan ipasiyang gamitin ni Pedro ang mga susi ng Kaharian.
Ang totoo: Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa mga susi ng Kaharian, sinabi niya kay Pedro: “Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” (Mateo 16:19, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Bagaman inuunawa ng ilan ang pananalitang ito na nangangahulugang idinidikta ni Pedro ang mga desisyon sa langit, ipinakikita ng orihinal na mga pandiwang Griego na ang mga desisyon ni Pedro ay susunod sa mga pasiyang ginawa sa langit sa halip na mauuna sa mga iyon.
Ipinakikita sa ibang bahagi ng Bibliya na si Pedro ay sakop ng langit kapag ginagamit ang mga susi ng Kaharian. Halimbawa, sinunod niya ang mga tagubilin mula sa Diyos sa paggamit ng ikatlong susi.—Gawa 10:19, 20.
a Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “susi” bilang simbolo ng awtoridad at responsibilidad.—Isaias 22:20-22; Apocalipsis 3:7, 8.
b Ang mga Samaritano ay kabilang sa isang relihiyon na naiiba sa Judaismo ngunit isinasama rin ang ilang turo at gawain mula sa Kautusang Mosaiko.