TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Aalisin sa Isip Ko ang Sex?
“Bigla na lang sumasagi sa isip ko ang sex at wala na akong ibang maisip. Pakiramdam ko, parang may kumokontrol sa isip ko.”—Vera.
“Parang imposibleng makontrol ang isip ko pagdating sa sex. Parang mas madali pang isiping makakalipad ako.”—John.
Nadarama mo ba ang nadarama nina Vera at John? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito.
Mahalaga ba ito?
“Sabi ni Uncle, hindi raw ako bibigyan ng Diyos ng pagnanais na makipag-sex kung ayaw naman niyang gawin ko iyon,” ang sabi ng kabataang si Alex.
Tama ang ilang sinabi ng tiyo ni Alex—talagang binigyan tayo ng Diyos ng pagnanais na makipag-sex, at may makatuwirang dahilan iyon. Dumami ang mga tao ngayon dahil sa pag-aanak. Kaya bakit kailangan mong alisin sa isip mo ang sex? May dalawang mahalagang dahilan:
Itinuturo ng Bibliya na nilayon ng Diyos na ang pakikipag-sex ay para lang sa isang lalaki at isang babae na mag-asawa.—Genesis 1:28; 2:24.
Kung nirerespeto mo ang pamantayang iyan at wala ka pang asawa, madidismaya ka lang kung patuloy mong iisipin ang tungkol sa sex. Baka matukso ka pa nga at makipag-sex—isang desisyon na pinagsisihan ng marami.
Kung matututuhan mong kontrolin ang isip mo pagdating sa sex, magkakaroon ka ng pagpipigil sa sarili.—1 Corinto 9:25.
Malaking papel ang ginagampanan ng katangiang iyan para maging matagumpay ka ngayon at sa hinaharap. Ipinapakita ng isang pag-aaral na ang mga batang may pagpipigil sa sarili ay hindi gaanong nagkakaproblema sa kalusugan at pera, at mas masunurin sila sa batas. a
Bakit napakahirap nitong gawin?
Isang hamon na alisin sa isip mo ang sex dahil nabubuhay tayo sa mundong nakapokus dito at dahil may pagbabago rin sa iyong hormone.
“Pinalilitaw ng mga palabas sa TV na okey lang ang makipag-sex bago ikasal at na wala itong masamang resulta. Napakadaling mag-isip ng masama kapag hindi mo nakikita ang epekto ng imoral na pakikipag-sex.”—Ruth.
“Sa trabaho, lagi akong nakakarinig ng malalaswang usapan, at naiintriga ako. Parang normal na lang ito, kaya ang hirap isiping mali ang imoral na pakikipag-sex.”—Nicole.
“Ang daling matukso kapag nakakakita ka ng mga picture sa social media. Kapag tumatak sa isip mo ang isang mahalay na larawan, ang hirap na nitong alisin!”—Maria.
Sa mga sitwasyong gaya nito, baka madama mo ang gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.”—Roma 7:21.
Ang puwede mong gawin
Mag-isip ng ibang bagay. Magpokus sa ibang bagay, gaya ng libangan, sports, ehersisyo, o anumang gawain na gusto mo. “Nakakatulong ang pagbabasa ng Bibliya,” ang sabi ng kabataang si Valerie. “Kaisipan ng Diyos ang laman nito, at kapag ’yan ang laman ng isip mo, wala ka nang panahon para sa ibang bagay.”
Totoo, maiisip mo pa rin ang tungkol sa sex. Pero kapag nangyari iyan, puwede mo itong alisin sa isip mo, kung gusto mo.
“Kapag pumapasok sa isip ko ang sex, nag-iisip ako ng ibang bagay. Sinisikap ko ring alamin kung bakit pumasok iyon sa isip ko—posibleng isang kanta na mula sa playlist ko o isang picture na kailangan kong i-delete.”—Helena.
Simulain sa Bibliya: ‘Anumang bagay na matuwid, malinis, patuloy na isaisip ang mga ito.’—Filipos 4:8.
Pumili ng mabubuting kaibigan. Kung laging pinag-uusapan ng mga kaibigan mo ang tungkol sa sex, mahihirapan kang panatilihing malinis ang isip mo.
“Noong tin-edyer ako, hiráp akong huwag mag-isip ng mali, at naging mas mahirap pa ito dahil sa mga kasama ko. Kapag napapalibutan ka ng mga taong bukambibig ang imoral na mga bagay, makakaapekto ito sa nararamdaman mo—at para mo nang ginatungan ang apoy.”—Sarah.
Simulain sa Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”—Kawikaan 13:20.
Iwasan ang masasamang libangan. Alam natin na halos lahat ng libangan ay may bahid ng sex. “Musika ang talagang nakakaapekto sa ’kin,” ang sabi ni Nicole. “Pinatitindi nito ang pagnanasa ko hanggang sa halos hindi ko na iyon makontrol.”
“Nagsimula akong manood ng mga pelikula at palabas sa TV na tungkol sa sex. Hindi ko namamalayan na naaapektuhan na ako, pero nag-isip-isip ako. Nalaman ko kung bakit ako nakakapag-isip ng gano’ng mga bagay. Nang itigil ko ang panonood ng gayong mga pelikula at palabas sa TV, hindi na pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sex. Kung mapamili tayo sa mga libangan, mas madaling paglabanan ang maling kaisipan.”—Joanne.
Simulain sa Bibliya: “Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman.”—Efeso 5:3.
Tandaan: Iniisip ng ilan na hindi nila dapat kontrolin ang kanilang seksuwal na pagnanasa at na talagang hindi nila ito kayang kontrolin. Pero hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya. Binibigyang-dangal tayo nito sa pagsasabing puwede nating kontrolin ang ating iniisip.
Simulain sa Bibliya: “Patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip.”—Efeso 4:23.
a Kailangan din ng mag-asawa ang pagpipigil sa sarili—kaya dapat mo nang linangin ang katangiang iyan ngayon habang wala ka pang asawa.