Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung Hindi Ako Pinapayagan ng mga Magulang Ko na Mag-social Media?

Paano Kung Hindi Ako Pinapayagan ng mga Magulang Ko na Mag-social Media?

 Baka gumagamit ng social media ang lahat ng kaibigan mo, at ito ang lagi nilang pinagkukuwentuhan. Baka nga pinagtatawanan ka pa nila kasi wala kang account. Ano ang dapat mong malaman kapag ganiyan ang sitwasyon? At ano ang puwede mong gawin?

Ang dapat mong malaman

 Hindi ka nag-iisa. Hindi pinapayagan ng maraming magulang ang mga anak nila na gumamit ng social media. Malamang na alam nila ang mga naging epekto nito sa iba:

  •   depression at iba pang problema sa mental health.

  •   nae-expose sa pornograpya, sexting, at cyberbullying.

  •   di-pagkakaunawaan ng magkakaibigan.

 Maraming teenager ang tumigil nang mag-social media. Nakita nila mismo na marami itong masamang epekto sa kanila. Tingnan ang ilang halimbawa:

  •   Napansin ni Priscilla na nauubos nito ang panahon niya na puwede sanang gamitin sa mas mahahalagang bagay.

  •   Ayaw ni Jeremy na may lumalabas na di-magagandang content sa social media account niya.

  •   Napansin ni Bethany na masyado na siyang nagpo-focus sa nakikita niyang ginagawa ng iba sa social media.

 “Masaya ako na nag-delete ako ng social media app sa gadget ko. Buti na lang ginawa ko ’yon, kasi mas nakakapag-focus ako sa mas mahalagang bagay.”—Sierra.

 “Nakakaadik talaga ang social media at ayaw ko ng gano’n. Ayaw ko rin na lagi na lang akong nag-iisip kung paano magre-react ang iba sa mga post ko. Matagal kong pinag-isipan kung magdi-delete ako ng account o hindi, pero gumaan agad ang pakiramdam ko nang gawin ko ’yon. Mas panatag na ako ngayon.”—Kate.

Ang puwede mong gawin

 Sundin ang mga magulang mo. Ipakita mong mature ka na. Sundin mo sila nang hindi ka nagagalit o nagrereklamo.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Inilalabas ng mangmang ang lahat ng galit niya, pero nananatiling kalmado ang marunong.”—Kawikaan 29:11.

 Baka sabihin ng iba na huwag mo na lang ipaalam sa magulang mo na may social media account ka, o gumawa ka ng account na iba ang pangalan. Pero mali iyon! Kapag may itinatago ka, hindi ka mapapanatag at magi-guilty ka. At kapag nalaman nila iyon, mawawala ang tiwala nila sa iyo.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

 Dapat kumbinsido ka. Baka may naiisip ka pang mga dahilan para hindi mag-social media, gaya ng mga teenager na nabanggit sa itaas. Kung naniniwala kang hindi makakabuti sa iyo ang social media, magkusa na huwag nang gumamit nito. Gagawin mo iyon, hindi dahil iyon ang gusto ng mga magulang mo, kundi sarili mo itong desisyon. Kaya kapag tinanong ka ng mga kaibigan mo, hindi ka mahihiya. At malamang na hindi ka na nila pagtatawanan.

 Tandaan: Makipagtulungan sa mga magulang mo. Pag-usapan ninyong mabuti ang tungkol sa social media para makagawa ka ng sarili mong desisyon. Pero sa ngayon, mabubuhay ka kahit walang social media.