Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Apocalipsis 21:1—“Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa”

Apocalipsis 21:1—“Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa”

 “At nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa; dahil ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.”—Apocalipsis 21:1, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat.”—Pahayag (o Apocalipsis) 21:1, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Apocalipsis 21:1

 Gumamit ang talatang ito ng makasagisag na pananalita para sabihin na papalitan ng Kaharian ng Diyos sa langit ang lahat ng gobyerno ng tao. Aalisin ng Kahariang ito ang lahat ng masasama at mamamahala ito sa lahat ng taong matitira sa lupa na nagpapasakop sa Kahariang ito.

 Ang aklat ng Apocalipsis ay iniharap sa pamamagitan ng “mga tanda,” o simbolo. (Apocalipsis 1:1) Kaya makatuwiran lang sabihin na ang salitang ginamit na langit at lupa sa tekstong ito ay hindi literal, kundi simboliko. Bukod diyan, binabanggit din sa ibang teksto sa Bibliya ang “bagong langit” at “bagong lupa” sa makasagisag na paraan. (Isaias 65:17; 66:22; 2 Pedro 3:13) Kung pag-aaralan natin ito at ang iba pang mga teksto sa Bibliya, mas maiintindihan natin ang sinabi sa Apocalipsis 21:1.

 “Isang bagong langit.” Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “langit” para tumukoy sa pamamahala o sa mga gobyerno. (Isaias 14:12-14; Daniel 4:25, 26) Sinasabi ng isang reperensiya na pagdating sa makahulang pangitain, “ang langit ay sumisimbolo sa kapangyarihang mamahala, o gobyerno.” a Sa Apocalipsis 21:1, ang “bagong langit” ay tumutukoy sa Kaharian ng Diyos. Ang gobyernong ito sa langit, na minsan, tinatawag din na “Kaharian ng langit,” ay binabanggit sa buong aklat ng Apocalipsis at sa iba pang aklat ng Bibliya. (Mateo 4:17; Gawa 19:8; 2 Timoteo 4:18; Apocalipsis 1:9; 5:10; 11:15; 12:10) Ang Kaharian ng Diyos, na ang Hari ay si Jesus, ang papalit sa “dating langit,” na tumutukoy sa lahat ng gobyernong gawa ng tao.—Daniel 2:44; Lucas 1:31-33; Apocalipsis 19:11-18.

 “Isang bagong lupa.” Sinasabi ng Bibliya na ang planetang Lupa ay hindi kailanman masisira o papalitan. (Awit 104:5; Eclesiastes 1:4) Ano naman ang makasagisag na lupa? Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang “lupa” para tumukoy sa mga tao. (Genesis 11:1; 1 Cronica 16:31; Awit 66:4; 96:1) Kaya ang “bagong lupa” ay tumutukoy sa bagong lipunan ng mga tao na sumusunod sa gobyerno ng Diyos sa langit. Ang “dating lupa,” o ang lipunan ng mga tao na laban sa Kaharian ng Diyos, ay lilipas na.

 “Ang dagat ay wala na.” “Ang dagat” na binabanggit sa Apocalipsis 21:1 ay makasagisag din. Kadalasan nang mabagyo at hindi kalmado ang dagat, kaya tamang-tama ang ilustrasyong ito para sa magugulong tao na ayaw sumunod sa Diyos. (Isaias 17:12, 13; 57:20; Apocalipsis 17:1, 15) Sila rin ay mawawala. Sinasabi ng Awit 37:10: “Kaunting panahon na lang at ang masasama ay mawawala na; titingnan mo ang dati nilang kinaroroonan, pero hindi mo sila makikita roon.”

Konteksto ng Apocalipsis 21:1

 Inihula ng aklat ng Apocalipsis kung ano ang mangyayari sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Ayon sa hula ng Bibliya, ang araw na iyan ay nagsimula noong 1914, nang magsimulang mamahala si Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. b Pero hindi niya agad pamamahalaan nang lubusan ang lupa. Ang totoo, sinasabi sa ibang hula na lalo pang sasama ang kalagayan sa mundo sa pasimula ng “araw ng Panginoon.” Tinatawag ang panahong iyan na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3, 7; Apocalipsis 6:1-8; 12:12) Kapag natapos na ang mapanganib at mahirap na panahong ito, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang makasagisag na dating langit at lupa. Pagkakaisahin nito ang buong lupa para maging payapa. Ang mga magiging sakop ng Kahariang ito, o ng “bagong langit,” ay titira dito sa lupa nang may perpektong kalagayan at kalusugan.—Apocalipsis 21:3, 4.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Apocalipsis.

a McClintock and Strong’s Cyclopedia (1891), Volume IV, pahina 122.