PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Jeremias 11:11—“Ako’y Magdadala ng Kasamaan sa Kanila”
“Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘Magdadala ako sa kanila ng kapahamakang hindi nila matatakasan. Kapag humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.’”—Jeremias 11:11, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako’y magdadala ng kasamaan sa kanila, na hindi nila matatakasan; at sila’y magsisidaing sa akin, nguni’t hindi ko sila didinggin.”—Jeremias 11:11, Ang Biblia.
Ibig Sabihin ng Jeremias 11:11
Kinakausap dito ng Diyos ang mga Judio noong panahon ni propeta Jeremias. Hindi nila sinunod ang mga utos ni Jehova a at hindi sila nakinig sa mga payo ng mga propeta niya. Kaya hindi niya sila poprotektahan mula sa masasamang resulta ng mga ginawa nila.—Kawikaan 1:24-32.
“Kaya ito ang sinabi ni Jehova.” Ipinapakita ng salitang “kaya” na may koneksiyon ito sa mga naunang talata. Sinabi ni Jehova sa Jeremias 11:1-10 na sinira ng bayan niya ang tipan, o kasunduan, sa pagitan niya at ng mga ninuno nila. (Exodo 24:7) Imbes na sambahin ang Maylalang nila, sumamba ang mga Judio sa mga idolo. Dahil sa pagsamba nila sa mga idolo, gumawa sila ng iba pang masasamang bagay. Nagawa pa nga nilang sunugin ang mga anak nila bilang handog!—Jeremias 7:31.
‘Magdadala ako sa kanila ng kapahamakan.’ Kapag sinasabi sa Bibliya na may ginawa ang Diyos na isang bagay, hindi ito laging literal. Madalas, ang ibig sabihin nito, hinahayaan lang niyang mangyari iyon. Isang halimbawa niyan ang tekstong ito. Nang sumamba ang mga Judio sa huwad na mga diyos at bale-walain nila ang mga pamantayan ni Jehova, ipinahamak nila ang sarili nila. Naiwala rin nila ang proteksiyon ng Diyos. Dahil diyan, nasakop ang Jerusalem ng isang malakas na kaaway—ang hari ng Babilonya—at dinalang bihag ang mga nakatira doon. Hindi sila nailigtas ng huwad na mga diyos na pinagtiwalaan nila.—Jeremias 11:12; 25:8, 9.
Hindi masasabing naging di-makatarungan o masama ang Diyos nang hayaan niyang mangyari ang mga kapahamakang iyon sa bayan niya. “Ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama,” ang sabi ng Santiago 1:13. Totoo, sinasabi ng Ang Biblia na “magdadala [ang Diyos] ng kasamaan” sa mga Judio. Pero ang orihinal na salita b na isinaling “kasamaan” sa Jeremias 11:11 ay puwede ring isalin na “kapahamakan” o “trahedya,” at tamang-tama ang mga salitang ito para ilarawan ang nangyari sa mga Judio.
“Kapag humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.” Hindi pinapakinggan ni Jehova ang panalangin ng mga taong “punô ng dugo ang mga kamay” dahil sa pagpatay, pati na ng mga nagtitiwala sa huwad na mga diyos. (Isaias 1:15; 42:17) Pero pinapakinggan niya ang panalangin ng mga tunay na nagsisisi at nanunumbalik sa kaniya.—Isaias 1:16-19; 55:6, 7.
Konteksto ng Jeremias 11:11
Noong 647 B.C.E., inatasan ni Jehova si Jeremias para maging propeta. Sa loob ng 40 taon, binabalaan ni Jeremias ang Juda tungkol sa darating na hatol ng Diyos pero hindi sila nakinig sa kaniya. Noon niya isinulat ang nasa Jeremias 11:11. Pagkatapos, noong 607 B.C.E., nangyari ang mga babala ni Jeremias at winasak ng Babilonya ang Jerusalem.—Jeremias 6:6-8; 39:1, 2, 8, 9.
Nagbibigay rin ng pag-asa ang aklat ng Jeremias. Sinabi ni Jehova: “Kapag natupad ang 70 taon sa Babilonya, . . . tutuparin ko ang pangako kong ibalik kayo sa lugar na ito [sa Jerusalem].” (Jeremias 29:10) Tinupad ni Jehova ang pangakong iyan noong 537 B.C.E., pagkatapos sakupin ng Medo-Persia ang Babilonya. Tinipon ni Jehova ang bayan niyang nasa iba’t ibang lugar na sakop ng Babilonya. At hinayaan niya silang makauwi sa lupain nila at maibalik ang tunay na pagsamba.—2 Cronica 36:22, 23; Jeremias 29:14.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Jeremias.
a Ang Jehova ay mula sa karaniwang salin sa Ingles ng apat na titik na Hebreo para sa personal na pangalan ng Diyos. Para malaman kung bakit ginagamit ng maraming translation ng Bibliya ang titulong “Panginoon” kaysa sa personal na pangalan ng Diyos, tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Ang Hebreong Kasulatan, tinatawag ding Lumang Tipan, ay orihinal na isinulat sa Hebreo at Aramaiko.